ITO ang katayuan ng Isla de Oriente ngayon: nauubos ang mga yaman na bunga ng kalikasan, napakabilis na pagdami ng tao, mga bata at kabataang kulang sa tamang dunong at aral at mga katandaang sobra sa dasal ngunit kulang sa gawa na para bang sa dasal lamang makakamit ang kabanalan.
Dahil sa ganitong mga kalagayang tila walang pagbabago, bagkus ay tila lumalala pa, karamihan sa mga kabataan sa Isla de Oriente ay walang maaninag na magandang kinabukasan. Sa kanila, ang pag-asa lamang para makaahon sa kahirapan at matamo ang mga pangarap ay ang pangingibang bansa.
Masisisi mo ba sila. Ang tao ay tao at ang pagkakaiba ay madaling ipaliwanag. Saan mang panig ng daigdig, anuman ang kulay at lahi, ano man ang relihiyon, ang mga kabataan, maliban sa ilang maliliit na pagkakaiba ay pare-pareho. Nasa kasibulan sila ng buhay, nasa kainitan ng dugo, nasa kataasan ng kanilang mga pangarap. Naghahanap sila ng hamon at nang ibang uri ng pamumuhay. Marami sa kanila ay may matatayog na mga pangarap.
Ang karamihan ng mga kabataan sa Isla de Oriente, lalo na sa San Isidro ay di naiiba. Ang pananatili doon ay nangangahulugan ng pagmamana at pagpapatuloy sa kinagisnang trabaho ng kanilang mga magulang – ang makalumang paraan ng pagsasaka. Walang masama rito. Sa marangal na trabahong ito ay binuhay sila ng kanilang mga magulang, pinalaki at pinag-aral, kahit na karamihan ay sa mababang paaralan lamang.
Ngunit marami sa kanila ang ayaw na nang ganitong uri ng trabaho. Nakita o naging bahagi na sila nito. Sa marami sa kanila, ang trabahong ito ay walang magandang kinabukasang naghihintay. Sa marami sa kanila, ang trabahong ito ay hindi daan upang ang kanilang matatayog na mga pangarap ay matupad at upang matamo ang pinangarap na mataas na karunungan.
Marami rin sa kanilang mga magulang na namulat na ang mga mata ay gustong sila ay makapag-aral o makapagtapos sa kolehiyo upang sa panahon ng kanilang pagsasarili, sila ay mabuhay sa ibang pamamaraan – sa pamamaraang hindi kayod kalabaw at hindi makabaling likod.
SA pagbabago ng takbo ng komers’yo sa daigdig ay nakaaninag sila ng pag-asa.
Nag-aanyaya ang ibang panig ng daigdig upang mabigyang katuparan ang kanilang mga pangarap. Iba na ang daigdig. Bukas na ang dating mga nakasarang pinto nang maraming mauunlad na mga bansa. Nakikita ng mga kabataan ang ganda ng mga tanawin sa ibayong dagat, kung ganda ngang maituturing ang mga konkretong lunsod, ang haba ng pila ng halos ay hindi kumikilos na mga sasakyan, ang walang patid na agos at hugos ng tao sa mga bangketa.
Nakaiinggit ang mga naririnig at nababasa nilang mga tagumpay ng mga young professionals. Nakakurbata sila sa kanilang mga upisina, nakakotse sila sa pagpasok at sa kanilang mga paglalakbay.
Nakakainggit ang kanilang mga nasasaksihan sa television, naririnig sa radyo at nababasa sa mga pahayagan at mga magasin at ang kanilang hibang na mga isip ay nangangarap.
Ngunit karamihan sa mga kabataan sa Isla de Oriente, lalo na sa San Isidro ay walang mataas na pinag-aralan. Ngayon pa lamang sila nagigising na ang pangingibang bansa nang walang mataas na karunungan ay nangangahulugan nang mahirap na trabaho na mababa ang bayad, nang halos ay walang pag-asang pag-asenso at nang pagiging biktima ng mga sindikato.
Hindi lahat ay magiging tagumpay. Sa umpisa pa lamang, at hindi pa sila nakakaalis, ay marami nang magiging biktima ng kasamaan at kasakiman ng tao. Sa umpisa pa lamang ay nakamasid na sa kanila ang mga buwitre, naghihintay nang pinakamaaga at pinakamagandang pagkakataon upang sila ay masakmal. Naghihintay sa kanila ang ilang mga Misis Matimtiman.
At ikaw na lumaki sa hirap at dalita ay nakaaninaw ng pag-asa. Isasanla ang mga lupa at mga saka at mga bahay. Ibebenta ang mga baboy at mga palay. Mangungutang sa mga kapatid, mga tunay ng kaibigan at mga malapit at mabait na kamag-anak upang ang kailangang halaga ay malikom.
At iyo’y ibibigay mo kay Misis Matimtiman, na isang babaeng mukhang mabait, maawain at matulungin. At ikaw ay malulunod sa mga matatamis na salita. At halos ay lumuhod at halikan mo si Misis Matimtiman sa pasasalamat.
At ikaw ay bibigyan ng mga papeles na huwad.
At ikaw ay pababalikin makalipas ang isang linggo at sa iyong pagbabalik, siya ay wala na, tangay ang iyong munting yaman.
Manlulumo ka at mag-iiyak. Halos himatayin ka sa sama ng loob. Sa biglang sulak ng dugo ay gustong mong hanapin siya at gumanti. Tadtarin. Barilin. Saksakin. Sakalin.
Ngunit maiisip mo na ikaw pala ay isang katoliko at isang kristiyano. At ikaw ay pupunta sa simbahan at doon ay taimtim na magdarasal. Ikaw ay hihingi ng kapatawaran sa isang higanting hindi pa naman ginagawa.
Ikaw ay isang biktimang Pilipino na kulang sa dunong at takot humingi ng katarungan sapagkat sa iyong paniniwala ay walang mangyayari sa iyong kaso sapagkat si Misis Matimtiman ay may kapit sa itaas o kasapakat ni Ganito o ni Ganire na may hawak na mataas na katungkulan sa pamahalaan o kumpare at kumara niya si Kuwan at si Kuwan at si Kuwan.
Sa iyong taimtim na pagdarasal at pagrorosaryo, sa iyong pakiwari ay may malamig na kamay na pumatong sa iyong balikat. Iiyak ka na naman sa paniniwalang ikaw ay pinagmilagruhan.
At sa iyong paglabas ay maluwag na ang iyong kalooban. Pinatawad mo na ang sa iyo’y umapi at humalay. Sa Diyos ay ipinauubaya mo ang lahat.
Ikaw ay isa sa maraming biktimang Pilipino.
SA mga pinalad ang hugos ng pag-alis o pagbabalak na pag-alis ay nagsimula sa mga nagpunta sa Middle East, Hong kong at Japan.
Sa kanila, ang namumukod tangi ay ang mga nagpunta sa Japan. Pagkuwa’y kumalat ang balita tungkol sa kanilang tagumpay. Nakaiinggit ang mga kuwento ng mga nakapagpapadala ng lapad. Sino ang hindi matutukso sa mga kuwentong naririnig:
“Si Kuwan, anim na buwan lang, nabayaran na ang utang.”
“Si Ganoon, isang taon pa lang, nakapagpaayos na ng bahay.”
“Si Ganire, isang taon pa lang nakabili na ng tricycle.”
“Si Ganito, dalawang taon pa lang, nakabili na ng jeep.”
DAGSA ang mga nagsisialis: Binata. Dalaga. May asawa. Querida. Tomboy. Bakla. Tagalog. Bisaya. Ilukano. Bikolano. Kristiyano. Muslim. Iglesia ni Kristo. El Shaddai. Mangkukulam. Mambabalis.
Sakay sila ng mga jeep at mga kotse at mga minivan patungo sa pupuntahang banyagang bansa. Masasaya ang mga naghahatid sa kanila, punong-puno ng paniniwala na ang tutunguhing bansa ay isang paraiso, na ang dollar ay tumutubo sa mga puno at pinupulot sa lupa.
Pipila sila papasok sa paliparan. Babatiin sila ng mga pagbati na sila pala ay mga bayani gayong ang kanilang hangarin lamang ay kumita upang guminhawa kahit kaunti lamang. Nakabulaga sa kanilang harapan, nakasulat sa ulunan ng pasukan: “OFW – MAKABAGONG BAYANI.” Masasaya ang mga bagong aalis sapagka’t ito lamang ang kanilang unang pag-alis. Hindi pa nila nararanasan ang trabahong naghihintay. Punong-puno sila ng pag-asa. At doon sa banyagang bansa, sa iba sa kanila, ang naghihintay ay mga sorpresa.
Sila, ayon sa pamahalaan, ang mga bagong bayani. Sa kanilang billion dollar na remittances, ang isang bansa ay nabubuhay, nababayaran ang tubo ng billion dollar ding utang.
Ibubuhos nila ang lahat ng kanilang makakaya. Masipag sila sa pagta-trabaho. Sa mga mapalad, iyo’y gagantimpalaan ng umento, ng papuri. Sa mga kulang palad, iyo’y gagantimpalaan nang mas marami pang trabaho, nang mas marami pang pagtititiis.
Sa ibang daigdig, sa ibayong dagat, sila ay dumating. Sa ibang kultura, sila ay makikihalo, pipiliting makisalamuha, tatangkaing maging bahagi ng isang banyagang bansa, sapagkat ito lamang ang dahilan upang sila ay matanggap, at sa kanilang pagkakatanggap, sila ay kikita ng yen at dollar at euros at sterling pounds.
Buong galak nila iyong ipadadala sa mga naghihintay na mga kapatid at mga magulang at mga asawa at mga anak at mga querida.
Buong galak itong tatanggapin ng mga iniwan. Ang iba ay ibabayad sa mga utang na pinagsanlaan ng mga saka at mga bakuran at mga kalabaw at mga alahas at mga iba pang mga ari-arian.
Sa pagkakalayo sa kanilang mga mahal sa buhay; sa kanilang kabiyak at mga magulang at mga anak at mga kaibigan, ang iba sa kanila ay malulungkot at mangungulila at magkakasala – sapagkat sila ay tao lamang.
Tuloy ang kanilang buhay. Sa marami sa kanila, sa bisa at kapangyarihan nang perang dumating, ano mang kasalanan ay mapapatawad. Karamihan sa kanila ay patatawarin ng kanilang pinagkasalahan sapagkat naghihintay ang bahay na nakatiwangwang na kailangang matapos, ang hulog sa nakasanlang lupa sa katapusan ng buwan, ang utang na hulugan sa tricycle at sa jeepney at sa Tamaraw FX, ang matrikula nang naiwang mga anak na marahil ngayon ay nag-aaral na sa private school.
Sila ang maraming mga kabataan sa Isla de Oriente, at isa sa kanila ay si Erika.