Balita

SI GOVERNOR AT SI MAYOR

AYON sa hindi pa katagalang kasaysayan, ang dynasty na kasalukuyang naghahari sa Isla de Oriente ay napunla ng may isang dayuhang negosyante, si Mr. Sah Kim na nakita ang mga yaman ng isla: ang mga kagubatan na sagana sa mga malalaki at mayayabong na matitigas na mga kahoy at mga bundok na sagana sa mga mina. Nadagdag pa dito na ang mga tao ay kulang sa dunong, mandi’y taglay pa rin ang mga lumang kaugalian na marahil ay paraan para sila ay madaling mapagsamantalahan.

Umano, si Mr. Sah Kim ay nagsimula bilang isang refugee. Kabilang siya sa mga kapitalistang tumakas bago nagtagumpay ang communism sa China. Sa kanilang pagtakas ay sa Isla de Oriente sila napadpad. Kasama niya sa kanyang pagtakas ang kanyang dalagitang anak na si Masa Kim, na umano ay bata pa lamang ay kinakitaan na ng mga hindi magandang mga kaugalian, na tila namana niyang lahat ang mga kasakiman ng ama, na tamang tama ang kanyang pangalang Masa Kim sa kanyang tunay na katauhan.

Umano rin ay kusang iniwanan ni Mr. Sah kim ang kanyang tunay na asawa sapagkat sa kanyang paniniwala, na siyang totoo, kung mag-aasawa siya sa lugar na kanyang kinapadparan, ang kanyang suliranin bilang refugee ay madaling malulutas.

Hindi ipinanganak si Mr. Sah Kim sa Pilipinas. Dahil dito ay hindi siya maaring mag-explore ng mga yaman sa ating bansa na bunga ng kalikasan, ayon sa ating mga saligang batas.

Ngunit kagaya ng ibang katulad niya na ang hangad lamang ay ang makukuhang yaman, alam niya kung paano niya ito malulunasan. Naghanap siya nang mapapangasawang Pilipina na maari niyang gawing dummy, na madali naman niyang natagpuan. Sa isang maralitang bansa ay marami ang gagawing lahat, kabilang na ang pagsasanla ng kaluluwa kay Satanas o pagtatapon ng anumang prinsipyo upang matakasan ang isang buhay na matagal nang pinangarap na takasan.

Pagkuway pinagbuklod ang dalawang kaluluwang kung ang pag-uusapan ay ang tungkol sa kapakanan ng bansa, ang kanilang pagbubuklod ay magiging itim na bahagi ng Kanyang kasaysayan. Hindi nagtagal ay natatag ang TOTAL LOGGING AND MINING CORPORATION.

Ang kanila ay isang samahan ng dalawang taong mababa ang moral.

ANG mga yaman ng Isla de Oriente ang kinakailangan ni Mr. Sah Kim upang matustusan ang mga pangangailangan ng ilang bansa sa Asya na sa panahong iyon ay industrialized o nagiging industrialized.

SA isang misyon nang pakunwaring pagtulong sa isla, ang pagbibigay ng scholarship sa ilang piling mga mag-aaral na bagong katatapos sa mataas na paaralan ay natagpuan ni Mr. Sah Kim si Ismael San Miguel. Umano ay humanga si Mr. Sah Kim kay Ismael nang kausapin niya ito, hindi lamang sa kanyang angking talino kung hindi sa kanyang mga plano sa hinaharap. Naaninag ni Mr. Sah Kim kay Ismael ang anino kung papaano magiging katuparan ang kanyang mga imbing hangarin.

Lalong natuwa si Mr. Sah Kim nang sabihin sa kanya ni Ismael na gusto niyang maging abogado, hindi upang tumulong sa mga mahihirap, o ipatupad ang mga batas ng bansa, kung hindi kung papaano niya malalaman ang mga batas tungkol sa exploration ng mga natural resources, na noon ay malapit nang payagan ng pamahalaan.

Madaling natanggap sa pangunahing law school sa Maynila si Ismael. Nasa ikatlong taon na siya ng ang anak ni Mr. Sah Kim, si Masa Kim ay nagpalista sa pamantasang ding iyon upang kumuha ng Business Administration.

Magkaiba sila ng kursong kinukuha ngunit may mga kurso sa Humanities, na kahit na dalawang taon ang kanilang pagitan ay naging magkaklase sina Masa at Ismael. Umano ay humanga si Masa sa talino ni Ismael at humanga naman si Ismael sa ganda ni Masa.

Yumabong ang kanilang pagkikilala. Sa una ay ayaw sana ni Mr. Sah Kim kay Ismael sapagkat ang gusto talaga niyang mapangasawa ni Masa ay ang kanyang kalahi, ngunit sa kalaunan ay pumayag na rin siya sa kanilang pag-iibigan.

Sabay silang nagtapos sa pamantasang iyon. Tulad ng kanilang inaasahan, ang kanilang unang employer ay sa TOTAL LOGGING AND MINING CORPORATION, si Masa bilang administrator at si Ismael bilang in house lawyer. Pagkuway napunla ang hinaharap na pamunuan ng corporation.

Biniyayaan ng tatlong anak sina Ismael at Masa, sina Isidoro, Domingo at Roberto

IYO’Y panahong nagsisimula pa lamang ang electronics industry sa bansang Hapon. Ang tatak na “Made in USA o Made in America” ay sagisag ng husay at ganda. Tinatangkang humabol ang bansang Hapon sa bansang America sa larangang ito. Sa paggawa ng mga TV at mga Hi Fi stereo na ang mga cabinet ay gawa sa tunay na kahoy, na magiging palamuti sa mga sala at mga family room, ay naging bukambibig ito ng mga mamimili. Lumaki ang saklaw sa market ng mga electronics appliances na gawa sa Hapon at ang Philippine timber ay naging napakalaking negosyo sa Asya. Naging daan ito ng napakabilis na pagyaman ng mga Logging Corporation lalong lalo na ang TOTAL LOGGING AND MINING CORPORATION.

Pagkuway natunugan ng iba pang mga negosyante ang negosyong pagkakakuwartahan. Nanaig ang inggit at kasakiman. Marami sa kanila ay may kapangyarihan at may kapit sa itaas. Nagkaroon sila ng paghahangad sa yaman ng Isla de Oriente.

Nabahala si Mr. Sah Kim. Ayaw niyang magkaroon ng mga kalaban sa negosyong ito. Wala siyang pakialam sa ibang mga negosyante at sa kanilang negosyo kaya ayaw din niyang pakialaman siya ng mga ito.

Ngunit lumalakas ang mga naghahangad na makibahagi sa yaman ng Isla de Oriente. May kapit sila sa kasalukuyang gobernador, si Governor Marcos Sanches, isang pulitiko na hindi marunong tumanggi basta may suhol. Sa kanya, ang magwawagi ay ang highest bidder.

May nabuong balak sa isipan ni Mr. Sah Kim. Kailangan niyang magkaroon nang karagdagang lakas sa mga pulitiko o kaya ay ganap kapangyarihan.

Abogado ang kanyang manugang na si Ismael. Sa mga taga Isla de Oriente ang pagiging abogado ay sagisag ng talino, ng pag-asa at ng husay. Pakakandidatuhin niya ito bilang gobernador sa susunod na halalan.

IYO’Y isang maduming halalan. Ginamit ni Mr. Sah Kim ang kanyang yaman upang siraan si Governor Sanches.

Sa isang huwad na papeles ay ipinalabas ng kampo ni Atty Ismael San Miguel na si Governor Sanches ay nagdanas ng depression at dinala sa psychiatric hospital noong bago siya naging gobernador. Umano ay nakuha niya ito sa sobrang paghitit ng marijuana noong siya ay nasa kolehiyo.

Iyo’y panahong wala pa ang mga makabagong gamit sa larangan ng communications. Mahirap patunayan kung totoo nga ang balitang ito. Kumalat ang balita at marami sa mga tao ang naniwala.

“Nasira pala ang ulo ni Governor noong araw,” sabi ng isang tsismosa sa isang kapuwa niya tsismosa. At ang tsismis ay nagpalipat-lipat sa mga bibig ng mga tsismosa at mga tsismoso.

“Kaya pala naman kung minsan ay parang hindi alam ang ginagawa. Hindi ko na siya iboboto.”

“Sino’ng iboboto mo?”

“’Yong kalaban niya, si Attorney, sino pa?”

Nagwagi ang black propaganda. Sa pagwawagi ni Attorney ay napunla ang dynasty sa Isla de Oriente.

IYO’Y isang patarantadong pamamahala ng isang tarantadong pangkat na ang hangarin lamang ay ang yaman ng Isla de Oriente. Wala silang kinalaman sa pagkasira nang natural na ganda at ang pagkaubos ng yaman ng Isla de Oriente.

Nakarating sa sangay ng pamahalaan, sa Department of Natural Resources, ang mga nagaganap. Nagpadala sila ng mga Inspectors upang siguraduhin na ang mga batas na may kinalaman sa ating katutubong yaman ay ipinapatupad. Ngunit sila’y sinalubong ng mga lagay at babala.

“Tanggapin mo na ito para manahimik ka na.”

“Bawal ho sa amin iyan. Ipinadala ho kami rito ng gobyerno para ho masiguro na ang mga batas natin ay sinusunod.”

“Tungkol diyan ay wala kang alalahanin. Mahigpit ako sa bagay na iyan,” pagsisinungaling na sabi ni Governor.

“May mga naririnig ho kaming hindi maganda.”

“Hindi totoo iyon.”

Isinaksak ni Governor sa bulsa sa harap ng suot na polo shirt ng Inspector ang envelope na kangi-kangina lamang ay kanyang tinanggihan.

“Malapit na ang pasukan. Pangmatrikula na mga anak mo.”

“Hindi ko ho matatanggap iyan.”

“Ikaw rin. Wala akong kinalaman kung may mangyari sa iyo. Alam mo naman dito, maraming mga goons ang mga illegal loggers.”

Walang nagawa ang Inspector kung hindi tanggapin ang envelope.

Ang katumbas nang pagpipikit ng mga mata ng mga Inspectors ng pamahalaan ay ang paglaki, paglawak ng TOTAL LOGGING AND MINING CORPORATION at ang pagyaman ng mga taong nag-aari nito. Tulad ng kanilang inaasahan ay nagkaroon din sila ng mga kalaban. Pagkuway ang kanilang Private Army ay natayo.

AYON sa batas ay dalawang beses, na may apat na taon ang isang pagsisilbi na maaring manungkulan si Attorney. Sa pagtatapos ng kanyang ikalawang pagsisilbi ay handa na ang kanilang plano. Pakakandidatuhin niya si Masa Kim.

Sa pagtatapos nang panunungkulan ni Governor, ang susunod niyang hakbang ay ang pagkandidato bilang kinatawan ng kaisa-isang distrito ng Isla.

Samantala, sa pagtatapos ng ikalawang paninilbihan ni Masa Kim, ang kanilang anak na panganay, si Isidoro, sa murang gulang na beinte cuatro at tapos na rin ng kolehiyo. Handa na rin itong kumandidato bilang mayor ng San Isidro.

Ang dalawa pang anak ni Attorney, sina Domingo at Roberto ay naghihintay na rin ng susunod na hakbang sa kanilang nalalapit na paglahok sa pulitiko. Ang San Miguel Dynasty ay matagumpay na naghahari.

Tuloy ang ligaya. Tuloy ang paglaki ng TOTAL LOGGING AND MINING CORPORATION. Tuloy ang  pagyaman ni Mr. Sah Kim at ang buong mag-anak na San Miguel.

Samantala ay tuloy ang pagkasira ng Isla de Oriente.

Exit mobile version