Noong maliit pa ako, malimit kong marinig sa mga matatanda na hangga’t hindi raw nagkaka-anak ang isang tao, hindi siya makababayad nang utang na loob sa kanilang ina, dahil sa pagkakaroon lamang ng sariling anak nila lubusang mararanasan ang lahat ng hirap na tiniis ng kanilang ina mapalaki lamang sila.
Malaki na ko ngayon. Hindi lamang malaki kundi mayroon na ring sariling pamilya, at mga anak. Sa paglilihi pa lamang napatotohanan ko na ang kasabihan ng matatanda na malimit kong marinig noon. Nang maranasan ko ang manganak, lalo kong naramdaman ang mga hirap na tiniis ni ina para sa aming pitong magkakapatid, bakit pa nga noong mga panahong yon ay hilot lamang ang karaniwang nagpapa-anak sa mga ina.
Napakarami ring gabing napupuyat ang isang ina. Ang sanggol na anak ay kailangang palitan ng lampin, kailangang pakainin tuwing ika-apat na oras. Madalas apat na buwan na ang sanggol ay gumigising pa rin sa gabi. Pag laki-laki naman, magsisimulang tumubo ang ngipin o dili kaya naman ay magkakasakit. Hanggang sa lumaki ay may mga gabing nagpupuyat ang isang ina dahil sa kanyang mahal na anak.
Ang hirap at pagpapakasakit ng isang ina para sa kanyang anak ay hindi natatapos. Matapos palakihin, pag-aralin hanggang sa pag-aasawa ay laging naka-alalay ang ina sa anak.
Iba’t iba ang mga paraan ng pag-alalay o pagtulong ng ina sa kanilang mga mahal na bunso. Kung nagbabalak bumili ng bahay, kotse, atbp, na kulang ang paunang bayad, ang pinakatatagong pera at inilalaan sana sa kanyang katandaan ay dudukutin at dudukutin at bukas palad na ipauutang ng ina ng walang patubo at nakalista lang sa tubig. . Kung nagkaroon ng samahan ng loob ang kanyang anak at manugang, mahinahong kinakausap ng ina ang kanyang anak, pinagpapaliwanagan para lamang magkasundong muli ang mag-asawa. Ginagawa niya ang lahat ng kaparaanan para hindi tuluyang masira ang samahan ng kanyang mahal na anak at manugang.
Kung magkaroon ng apo, at kailangan ng anak ang tagapag-alaga dahil mayroong mahalagang pupuntahan. dalawang kamay na tatanggapin at aalagaan ng ina na ngayon ay lola na ang kanyang apo. Kahit pa sumasakit na ang likod, at mabagal nang kumilos, hindi dumadaing ang ina, at nakangiti pa ring itinataguyod ang pagsisilbi sa nangangailang anak.
Minsang papalubog ang araw ay hindi ko naiwasang mag-isip. Naiugnay ko ang papalubog ng araw sa buhay ng tao at sa buhay ng isang ina. Kasabay ng ating pagtanda, ang buhay natin ay nakakahalintulad ng papalubog ng araw. Unti-unting nawawala, ang ningas, hanggang sa tuluyang mawala.
Ganoon din kaya ang isang ina? Nawawalan ng halaga kung papalubog na ang kanyang buhay. Kung kulubot na ang kanyang balat at laing na ang kanyang katawan ay wala na kayang silbi? Dahil ipinalalagay na hindi na nga nakatutulong ay nakabibigat pa kung kaya nagagawa ng pagmalupitan at apihin ng isang anak, tulad ng nagawa ng isang lalaking anak sa kanyang matanda ng ina na nangyari mismo dito sa Ontario.
Kailanman ay hindi ang sarili naming ina, at lagi naming idinadalangin patuloy kaming maalaala at mahalin ng aming mga anak. Kailanman hanggang sa kanyang pagtanda nanatiling maningning ang kanyang halaga ng aming ina sa aming magkakapatid.
Siya ang nagsilbing mahiwagang lakas na humila sa aming magkakapatid kasama ang aming mga pamilya na magkita-kita, magsama-sama at magsalu-salo na madalas ay ginagawa namin sa lugar na aming kinalakihan. Sa mga pasyalan naman, hindi maaaring hindi kasama si ina.
Siya ang mahiwagang kamay na umalalay at gumabay sa aming magkakapatid upang manatiling matatag ang aming pagtitinginan.
Siya ang mahiwagang tinig na laging bumubulong sa aming magpakatatag at magpakabuti. Ang masamang gawa raw ay laging pinagbabayaran sa dakong huli at ang kabutihan ay laging ginagantimpalaan.
Siya ang mapagmahal na ina na laging nagpapa-alala sa amin na iba ang kamag-anak kaysa kaibigan. Ang kapatid at kamag-anak kahit pa kung minsan ay nakakagalit, ay laging maaasahang tumulong sa mga oras ng kagipitan dahil ang kadugo ay kadugo.
Sa kasalukuyang panahon ay wala na ang katawang lupa ng aming ina. Sa kanyang pagkawala, subalit buhay na buhay siya sa aming alaala. Ang kanyang kaanyuan, paniniwala at panuntunan sa buhay ay pira-pirasong mababanaagan sa ugali at kaanyuan ng kanyang naiwang pitong anak at dalawampung apo. Katulad ng punongkahoy na namatay ngunit muling nabuhay dahil may mga butong iniwan at muling itinanim, si ina ay muli nabuhay at muling mabubuhay sa kanyang mga sumunod at susunod pang henerasyon.
Ang pinanghihinayangan ko nga lamang ay wala na ni bakas ng mga bagay na pisikal na naiwan sa amin ni ina. Wala na ang aming matandang bahay. Wala na rin ang mga punongkahoy tulad ng kaymito sa aming harapan na ang buto ay handog ni tatang sa kanya. Wala na rin ang puno ng bayabas, ang sinugwelas ang mga santol. Ang tsiko, ang kalamansi, at mangga na matiyaga niyang itinanim at inalagaan. Ang natitira na lamang ay ang kapirasong lupang dating kinatitirikan ng aming lumang bahay at kinatatamnan ng mga bungangkahoy na marami ring taong aming pinakinabangan at nagdulot ng saya at aliw sa aming magkakapatid. Natatandaan ko pa, sa puno ng mangga madalas kaming maglaro ng aking mga kaibigan ng aral-aralan, at saingsaingan. Doon din kami madalas magduyan, manginain ng hilaw na mangga at sampalok na malasebo.
Nakapanghihinayang man, dapat kong tanggapin na ang lahat nga ay may katapusan, mawawala upang bigyang daan ang makabagong paraan ng pamumuhay, at makabagong paniniwala, subalit isang bagay ang natitiyak ko. Ang mga gintong alaala ni ina at ng marami pang ina na nagbigay ng buhay sa maraming bunso ay patuloy na iinog at lalaging nakadambana sa puso ng bawat anak. Sa bawat pagkakataon ay nakangiting ipagmamalaki at ikarangal ng bawat anak ang kanilang ina na nagsilang sa kanila sa sangmaliwanag, liban na nga lamang sa ilang anak na nakalilimot
Ang ganitong uri ng pagmamahal ay buong katapatang inilarawan ng manunulat na si Robert Munch sa kanyang aklat na “Love you Forever”. Ang aklat na ito ay poboritong basahin ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral sa mababang paaralang katoliko dito sa Metro Toronto, at marahil sa iba pang bahagi ng mundo. Narito ang maikling buod ng nasabing kuwento.
Mother to the son: I love you forever, I like you for always
As long as I’m living, my baby you will be.
When the mother grew old, the son carried his mother and said
I love you forever, I like you for always
As long as I’m living my mother you will be.
Sa lahat ng mga ina ako’y bumabati ng:
Maligaya at Maluwalhating Araw ng mga Ina