Balita

Pagharap sa Taong 2010

Isa na namang dahon ang nalaglag sa tangkay ng panahon. Isang dahong kinapapalooban ng napakaraming mga pangyaring naganap na kahit nakalipas na ay mahirap makalimutan. Mga pangyayaring nagdulot ng di matingkalang mga kalungkutan, kaligayahan, kasawian, at pagdurusa, bunga ng mga di maiiwasan at maaari ring maiwasang mga pangyayari.

            Ang pagkamatay nang dating pangulong Corazon Aquino ay isa lamang sa mga di maiiwasang pangyayari na naganap nang nagdaang taon. Katulad nang lahat ng may buhay, dumating  sa takdang hantungan ang hiram na buhay ng dating pangulo. Sa kanyang pagkawala, nagluksa hindi lamang ang kanyang pamilya, mga kaanak, at kaibigan, kundi gayundin ang sambayanang Pilipino na minahal at pinagsilbihan niya sa abot ng kanyang makakaya.

            Ang mga kalunus-lunos na pagbaha na dulot ng bagyong Ondoy, at ng iba pang malalakas at humahaginit na bagyong nanalasa sa ating bansa ay mga kalamidad na di maaaring iwasan. Mga bagyong hindi lamang sumira ng mga pananim  mga gusali at iba pang straktura, kundi kumitil din sa maraming buhay, gayunpaman ang pinsalang dulot ng ganitong mga kalamidad ay maaring mapagaan kung matututuhan lamang nating gawin ang mga bagay na nararapat.

            Marami ang naniniwalang ang mga natural na kalamidad ay mga hindi maiiwasang pangyayari. Ang pag-aalimpuyo ng dagat ay natural lang na maganap at nangyayari  sa iba’t ibang dako sa daigdig. Marami rin ang nag-aakalang ang mga kalamidad ay hampas ng langit, bilang pagpapa-alaala o pagpaparusa ng Panginoon sa mga nakalilimot at nagmamalabis ng mga nilalang.

            Tunay ngang ang mga natural na kalamidad gaya ng baha, bagyo, tornado, hurricane  lindol at pagputok ng mga bulkan ay di maiiwasan, anuman ang gawing pagpupunyagi ng mga tao, subalit maaring mapagaan ang  pinsalang dulot ng mga kalamidad na ito.

            Taun-taon, sinasalanta ng bagyo ang Pilipinas. Mahigit sa dalawampong bagyo ang dumaraan sa atin. Taun-taon, marami ang namamatay, nawawalan ng bahay, maraming mga pananim ang nasasalanta, subalit mayroon ba tayong ginagawa para mapagaan ang pinsalang dulot ng mga kalamidad na ito? Nagtutulungan ba ang pamahalaan at ang mga mamamayan upang sakaling mag-alimpuyong muli ang panahon ay mapagaan kahit papaano ang pinsalang hatid nito? Sa aking palagay ay wala, dahil kung mayroon maiiwasan ang paulit-ulit na nagaganap na pinsala. Ang mga programa kung mayroon man ay panandalian lang. Laging takip butas. Pagkatapos makasalba, balik sa dating gawi. Parang trumpo, paikut-ikot pero nasa dati, at dati ring lugar. Tulad din halimbawa nang panggagamot na patapal-tapal. Hindi nagagamot ang pinagmumulan o sanhi. Hindi nasusugpo ang pinaka-ugat, kaya panandalian lang ang ginhawa. Pagkatapos nang maikling panahon ay uulit na naman ang sakit.

Patuloy na walang malasakit ang nakararaming Pilipino na mapabuti at masugpo ang mga dahilan ng labis na pamiminsala ng mga natural na kalamidad. Ang bundok ay patuloy na nakakalbo dahil sa walang habas na pamumutol ng kahoy ng mga loggers, walang programa para sa muling pagtatanim “reforestration program”, patuloy na nababahaw ang mga ilog, at sapa, dahil ginagawang tapunan ng basura, at tinatayuan ng bahay ng mga iskwaters. Napakarami na ng mga mababahong estero hindi lamang sa mga siyudad, kundi gayundin sa mga bayan-bayan. Pag umulan ay wala nang daluyan ang tubig kaya pag bumuhos ang ulan, tiyak na magkakaroon ng baha.

Bagaman at maraming nagdusa bunga ng mga mapaminsalang mga kalamidad, marami rin naman ang nakadama ng kaligayahan. Kaligayahang nagbuhat sa taos pusong pagtulong at pagdamay sa mga nasalanta, na kahit papaano ay nakapagbigay ng konting ginhawa at pag-asa sa mga taong naging biktima ng mga kalamidad na tumanggap ng konting biyaya.

Kapag may kalamidad sa atin, ang mga Filipinong naninirahan sa iba’t ibang panig ng daigdig ay kapitbisig na ginagawa ang kanilang makakayanan upang makapagpadala ng pang-agdong buhay tulad ng pagkain, damit, pera, sa mga napinsala at biktima ng mga kalamidad. Ang ganito ay gawaing makalangit at tunay namang nagdudulot ng kaligayan sa nagbigay at tumanggap.

Kapag dumaranas nang ibayong pinsala ang Pilipinas na dulot ng mga kalamidad, di ko maiwasang ihambing ang kalagayan ng ating bayan sa ibang bansa at isa na rito ang Cuba.. Parehong sinakop ng mga Kastila, subalit, higit na matatag at nakatatayo sa sarili ang Cuba kaysa Pilipinas.

Marami ang naniniwalang mahirap na bansa ang Cuba, subalit bunga ng mga nasaksihan kong mga nagaganap sa nasabing bansa, naging taliwas ang aking paniniwala sa paniniwala ng iba.

How do we define poverty?Ano ba ang kahulugan ng pagiging mahirap? Di ba yong sumasala sa oras ang karamihan sa mga mamamayan? Yong maraming walang hanapbuhay at di makapag-aral? Yong hindi magamot pag nagkakasakit? Yong walang matirahan o di kaya naman ay walang mga saplot sa katawan.Ang lahat ng mga nabanggit ay hindi nararanasan ng mga Kubano.

Sa Cuba, ang lahat ay may hanapbuhay, may tirahan,  nakapagdadamit ng maayos, walang nagugutom at lahat ay may pagkakataong nakapag-aaral. Ang lahat ay nakapagpapagamot kapag nagkakasakit. higit sa lahat halos walang krimen. Mga dahilan upang maging poboritong puntahan ng mga turista, lalong-lalo na ang mga British at Canadian.
            Bakit? Dahil ang lahat ng mga nabanggit ay pinangangalagaan ng pamahalaan. Tunay ngang maliit lamang ang kanilang suweldo subalit kokonti rin naman ang kanilang pinagkakagastahan. Libre ang pag-aaral  hanggang  sa makatapos ng karera. Kahit anong karera ang gustong pag-aralan ay libre. Libre rin ang gamot at hospital. Sa bawat kanto ng Cuba ay mayroong parmasyotika na tumutugon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng bawat Kubano. Pati libing ay libre rin.

Dahil ang Cuba ay  isang isla sa Caribbean, madalas mag-alimpuyo ang kalikasan. at nasaksihan naming mag-asawa ang isa na marahil sa pinakamalakas na hurricane na nanalasa sa Cuba noong taong 2008. Mula sa bintana ng tinutuluyan naming hotel ay halos mataas pa sa kawayan ang taas nang nag-aalimpuyong alon ng dagat. Humahaginit ang naghuhumugong na hangin. Bumubuhos ang napakalaking patak ng ulan. Dalawang araw at isang gabing nanalasa ang hurricane, subalit sa maniwala kayo at sa hindi, wala kahit isang bahay na nabuwal, wala ring baha, walang anumang bagay na nakalutang sa ilog at sa dagat. Ang nakatutuwa, napakaraming Kubano ang nagsisipangisda, at kay lalaki ng kanilang mga huli.Bakit? Dahil handang handa ang Cuba sa mga ganitong kalamidad, Magkatulong ang pamahalaan at mamamayan. Maayos ang programa ng gobyerno at disiplinado ang mga tao.

Kung iisipin na halos magkatulad ang kalagayan ng Pilipinas at  Cuba noong panahon ni Batista, napakalayo na ng agwat ng dalawang bansa sa  ikonomiya, kalusugan, edukasyon at kalagayang panlipunan. Marahil ang isa sa mga dahilan ay ang pagiging komunista ng Cuba, subalit hindi kailangan {at lalong hindi ko hinahangad} na maging komunista ang Pilipinas o ang iba pang bansang may bulok na pamahalaan upang mapaganda ang takbo ng pamumuhay. Ang kailangan lang ay ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng mamamayan. Ang pagpapatupad sa mga batas ng namumuno at ang pagsunod naman sa batas ng pinamumunuan. Ito ay pinatutuhanan at patuloy na pinatutunayan ng iba pang mauunlad na bansa sa daigdig, tulad ng bansang Hapon, Israel, Canada atbp.

Madalas, pag may nakikilala akong mga bagong dating na Pilipino na napakagaganda ng mga hanapbuhay sa atin, itinatanong ko sa kanila kung bakit pa sila nagpunta rito. Iisa lang lagi ang kanilang kasagutan. Ayaw nilang lumaki ang kanilang anak sa isang bansa na napakabulok ng pamahalaan. Tinatakasan nila, ang isang bansang gayong napakayaman sa mga yamang pangkalikasan ay napakahirap na bansa, at tila wala ng pag-asang maka-ahon, tulad din nang pagtakas ko at marahil ng iba pang Pilipino noong panahon ng “Martial Law”

2010 na. Paharap tayong muli sa isang bagong taon. Kasabihan ng matatanda, Bagong Taon Bagong Buhay. Ituwid ang mga mali, at tahakin ang matuwid. Bumuong muli ng mga pangarap at harapin ang bukas ng may ngiti sa labi, kalakip ang pag-asa para sa hinaharap.

Anu-anong mga kamalian ang ating mga nagawa na hindi naman mahirap ituwid? Simulan natin sa ating pamilya kamag-anak o kaibigan na nasa Pilipinas. Malamang sa hindi, kabilang din sila sa mga napakaraming Pilipino na nagtatapon ng basura sa mga patubig, sapa, ilog at sa mga daan. Gumagamit ng mga bagay na hindi natutunaw, sa halip na maglakad ay sumasakay pa sa trycicle kahit malapit lang ang pupuntahan, at sa halip na asikasuhin ang pamumuhay at magtanim-tanim sa bakuran, ay inuuna pa ang kuwentuhan at pamamasyal sa mall. Higit sa lahat, ang laging paghihintay ng padalang pera o sustento.

Buwan-buwan ang padalang pera ng maraming Pilipino sa “money remittance” Asa na lang ba sa padala ang ating pinadadalhan. Hindi na sila nagbabanat ng buto? Di ba mali ang ganito? Paano ito maaaring ituwid?

Malapit na naman ang halalan. Kanya-kanya na namang paibukan ang mga kandidato. Bumubula na naman ang kanilang mga laway sa dami ng mga pangako. Pangakong napapako at napapalis na parang bula. Paano kaya mababago ang ganito? Ano kaya at magkaisang huwag bomoto ang mga tao. Baka sakaling magising ang mga bulok at kuratong na mga pulitiko. Ano sa palagay ninyo?

Sa pagharap natin sa taong 2010, maging matibay nawa ang ating mga paninindigan at paniniwala tungo sa pagtutuwid sa mga kamaliang hindi naman mahirap ituwid,  Atin ding pakatandaan na ang pinakamimithi nating pag-unlad  ay hindi lamang sa kamay ng pamahalaan nakasalalay. Ito ay nakasalalay sa mga kamay ng lahat ng Pilipino, naninirahan man o hindi sa loob ng bansa.

 

           

 

 

Exit mobile version