Balita

Magka-ugnay

Ikalawang bahagi:

 

            Matapos magpa-alam ay walang kibong umuwi ang mag-asawa. Buti na lang at wala pa ang kanilang dalawang anak, kaya nagkapanahong magka-usap sila  ng masinsinan.

            “Cora, huwag kang gaanong mag-alaala tungkol sa aking kalagayan. Okey pa rin naman ang dayalisis. Malay mo, baka sakaling magmilagro ang Panginoon at may magbigay sa akin ng kidney.” Mahina ngunit pabirong wika ni Mang Karding na sinabayan ng ngiti.

            “Oh Karding, kaylakas talaga ng loob mo. Nakukuha mo pang ngumiti ay gayong alam mong malamang sa hindi na walang magbibigay sa iyo ng kidney. Alam mo ring panandalian lang ang ginhawang dulot ng dayalisis.” Ngayon nga lang ay alam kong nahihirapan ka nang lubha, dahil sa dalas ng pagpunta natin sa pagamutan.” naiiling na wika ni Aling Cora

            Sandaling natahimik si Mang Karding. Alam niyang totoong lahat ang sinabi ni Aling Cora, at totoo ring mas mahirap ang pagdadayalisis niya, at kahit pa nga mas madalas at matagal ang kanyang dayalisis ay  sadyang hirap na hirap siya pag nakaramdam siya nang pag-ihi. Pakonti-konti lang kasi ng lumalabas.

            “Ang mabuti pa Karding ay manalangin tayo. Magdasal tayo ng taimtim at ipanalangin na sana ay may mabuting loob na magbigay ng kidney sa iyo.” Mungkahi ni Aling Cora.

            “Mabuti pa nga. Halika na at magdasal tayo sa Diyos.”

            Matuling lumipas ang mga araw, na naging mga linggo at buwan. Patuloy din silang umaasa at umaasam na sana ay magkaroon na ng donor si Mang Karding na araw-araw nang nagdadayalisis.May mga gabing hindi siya dalawin nang antok na hindi nakaligtas sa matalas na pakiramdam ng kanyang pamilya, na awang-awa na sa kanya.

            Isang gabi, matapos nilang maghapunan at magdasal ay nilapitan ni Betty ang kanyang mga magulang.

            “Nanay, tatay, matagal na rin po tayong naghihintay ng donor, pero hangga ngayon ay wala pa rin. Habang naghihintay tayo, ay papalubha naman ng papalubha ang kalagayan ng tatay, kaya naisip ko po na ano kaya at ako ang magbigay ng kidney sa tatay. Natitiyak ko po na match kaming dalawa dahil mag-ama  kami, at dahil nga mag-ama kami, kaya magka-ugnay. Magka-ugnay na magka-ugnay. Mahina ngunit buo ang tinig na wika ni Betty.

            Biglang nanlaki ang mga mata ng mag-asawa. Hindi sila makapaniwala sa kanilang narinig. Matagal silang hindi nakapagsalita. Parang may bara sa kanilang lalamunan.

            “Tatay, nanay. Huwag po kayong lubusang mabigla. Matagal ko pong pinag-isipan ito, at ito lang ang nakikita kong paraan para gumaling ang tatay.”

            “Naku naman Betty.” Halos mahirinan sa pagsasalita si Aling Cora. “Ang alam kong donor ay yong mga taong hindi na kailangan ang kanilang kidney, o kahit ano pang bahagi ng  kanilang katawan, tulad ng mga taong naaa-aksidente. Naku naman anak. Ano ba ang pumasok sa ulo mo, at bigla mo na lang naisip na maging donor.”

            “Siyanga naman Betty.” Pakli naman ni Mang Karding. Hindi ako makapapayag na ikaw ang magbigay ng kidney. Kailangan mo ang kidney mo anak. Baka kung ano ang mangyari sa iyo kung ibibigay mo sa akin ang isa mong kidney.” Iiling-iling  na wika ni Mang Karding.

            “Ngunit tatay. Hirap na hirap na kayo. Hindi ko na talaga matitiis na makita kayo sa ganyang kalagayan.” Naluluhang wika ni Betty.

            “Betty anak, napakabuti mo, ngunit hindi ko rin makakayang makita kang naghihirap kung sakaling magkaroon ng komplikasyon ang operasyon. Magiging napakasakit . Hindi ko makakayang dalhin.” Naluluha na ring wika ni Mang Karding. Pati si Aling Cora ay umiiyak na rin.

            “Tatay, nanay, huwag po ninyong isipin ang komplikasyon. Wala pong mangyayaring komplikasyon. Modernong-moderno na po ang paraan ng pag-oopera ngayon, at ang operasyon sa kidney ay isa lang  sa pinakasimple. Di nga po ba may ilan na ring nabalita na may kapatid na naghandog din ng kanyang kidney sa kanyang kapatid. Maayos na maayos ang operasyon at parehong malusog na nabubuhay ang magkapatid. Kaya po sana pumayag na kayo.”

            Kahit pa anak. Hindi ko talaga kayang makitang dalawa kayong nakahiga sa operasyon, at lalong hindi ko makakayang dalhin kung may mangyari sa iyo.” Nagkakandabuhol ang hiningang sagot ni Aling Cora.

            “At ano po ang gusto ninyong mangyari nanay?” Pabayaan na lang ang tatay, at maghintay sa wala. Sa palagay po ba ninyo ay makakaya rin ng konsensiya ko na pabayaan na lang ang tatay, gayong alam kong may paraan naman para siya gumaling? Umiiyak ding paliwanag ni Betty.

            Matagal na natahimik ang mag-asawa, lalo na si Aling Cora. Napakalaki nang pagnanais niyang gumaling si Mang Carding, subalit takot na takot naman siyang isailalim din sa operasyon ang panganay niyang anak. Gulung-gulo tuloy ang kanyang isip.

            “Tatay, nanay, pag-isipan po ninyong mabuti ang sinabi ko. Handa po ako kahit anong oras na pagpasiyahan ninyong tanggapin ang alok kong maging donor.” Buo ang loob na pahayag ni Betty sa  mga magulang.

            Sa paglipas ng mga araw ay papalubha ng papalubha ang kalagayan ni Mang Carding. Walong oras ang dayalisis at sa bahay na lamang ito isinasagawa. Madalas mag-iyakan ang mag-anak, hanggang ipasiya ng mag-asawa  na kausapin nang masinsinan ang kanilang doktor. Nais niyang makatiyak na hindi malalagay sa panganib ang sinuman sa dalawa sakaling si Betty ang maghandog ng kidney.

            “Tatapatin ko kayo Mang Karding, Aling Cora. Ang alinmang operasyon ay may panganib, subalit malusog na malusog naman si Betty, at ang operasyon sa kidney ay hindi naman gaanong kaselanan. Marami ng operasyon sa kidney ang nasaksihan ko, at lahat ng mga iyon ay walang naging problema. Maayos na nabubuhay ang binigyan at nagbigay. Saka sa totoo lang kaya talaga ng isang kidney na gampanan ang tungkulin niya sa katawan, kahit mag-isa lang siya.”

            “Ganoon po ba?  Parang nabunutan ng tinik ang mag-asawa.Kung ganoon po ay sasabihin namin kay Betty na pumapayag na kami.” Banayad nilang sagot. Kailan po gagawin ang operasyon?”

            Sa lalong madaling panahon. Ipa-aalam namin kaagad sa inyo. Bago kayo umalis ay hintayin na ninyo ang mga dokumentong kailangang basahin at maintindihang mabuti ni Betty.”

            “Dokumento! Ano pong mga dokumento ang tinutukoy ninyo?”

            “Mga dokumentong nagsasaad na bukal sa puso niya ang pagbibigay ng kanyang kidney. Na walang pumilit o tumakot sa kanya. Mayroon ding tauhan ng pamahalaan at ng ospital ang magsasadya sa inyo para tanungin siya ng ilan pang mahahalagang bagay. Sa harap din nila lalagdaan niya ang mga dokumento. Sila ang tatayong mga saksi sa pagiging “donor niya.”

            “Ganoon po pala.” Magkasabay na wika ng mag-asawa.

            “Ganoon nga po. Heto po ang mga dokumento. Bahala na kayong magpaliwanag sa kanya. Kung mayroon kayong katanungan ay huwag kayong mag-atubiling tumawag.Wika ng doktor sabay lahad ng kamay.

            Matapos makipagkamay ay tumayo na ang mag-asawa. Paalam na po kami

            “Adiyos po.”

 

Ang kuwentong ito ay batay sa tunay na buhay. Naging tagumpay ang operasyon at sa kasalukuyan ay parehong malusog at malakas ang mag-ama. Kaysaya nilang naninirahang magkakasama. Sadyang pinalitan ang mga pangalan ng tauhan at mayroon ding mga  binago sa kuwento para mapangalagaan ang kanilang pribadong pamumuhay. Although this story is based on real life story, it is still a fiction.

           

 

Exit mobile version