Magka-ugnay

By | February 15, 2010

      {Kuwentong handog ng may-akda sa mga magulang at anak  na binibigkis ng

                                         tunay na pagmamahalan}

                    

              Halos madilim-dilim pa ay gising na ang mag-anak na Pangilinan. Hinarap kaagad ni Aling Cora ang paghahanda ng almusal. Mabilisan namang iniligpit ng magkapatid na Betty at Myrna ang kanilang pinaghigaan, pagkatapos ay halos magkasabay na nagtungo sa banyo para mag-ayos ng katawan.

Si Mang Karding naman ay inut-inot nang nagbibihis. Kailangan kasing nasa pagamutan na sila bago mag-alas nuwebe ng umaga. Kung tatanghaliin sila ng alis ay magiging napakabagal ang takbo ng kanilang sasakyan dahil sa sikip ng trapiko.

May ilang linggo nang nahihirapang umihi si Mang Karding. Sa simula ay kailangan lamang na madalas siyang umihi, ngunit nitong nagdaang linggo, ay nahihirapan na siyang umihi. Madalas nananakit ang kanyang puson at parang ayaw lumabas ang kanyang ihi, gayong ang pakiramdam naman niya ay ihing-ihi na siya.

Ikinunsulta niya ang kanyang kalagayan sa kanilang mangagamot. Matapos ang kaukulang pagsusuri ay natuklasang mayroong siyang sakit sa “kidney”. Binigyan siya ng gamot pero hindi naman gaanong nakabuti. Nagpatuloy ang sakit at pakiramdam niya ay papalubha na nang papalubha ang kanyang sakit. Kumunsulta ang kanyang doctor sa isang espesyalista sa sakit sa kidney. Matapos siyang suriing mabuti, ay nagpahayag na kailangang sumailalim siya sa iba’t ibang uri ng “Test” una, para makatiyak na tama ang prognosis ng doktor na lumalala na ang kanyang sakit sa kidney, at ikalawa, para maagapan ang kanyang kalagayan.

Nasa ganito siyang pagmumuni-muni ng marinig niyang tumatawag ang kanyang maybahay.

“Betty, Myrna, Karding, magsibaba na kayo at nang makakain. Bilisan ninyo at nang hindi kayo tanghaliin.”

            “Sandali lang po nanay. Bababa na po kami.” Magkasabay halos na sagot ng magkapatid. Si Mang Karding naman ay hindi na sumagot. Bumaba na lang siya.

            Tahimik na nagsidulog ang lahat. Tahimik ding nagsikain. Tanging ang paminsan-minsang pag-uusap ng mag-anak ang bumabasag sa katahimikan.

            “Betty, ikaw na ang bahala sa ama mo. Hangga’t maaari ay huwag mo siyang hihiwalayan.” Paalaala ni Aling Cora sa anak.

            “Huwag kayong mag-alaala nanay. Ako na po ang bahala sa tatay. Hindi ko po siya hihiwalayan kahit saglit.” Malumanay namang sagot ni Betty.

            “Ano kaya Myrna at sumabay ka na rin sa kanila. Ako na lang ang bahalang magligpit dito.”

            “Bayaan mo na pong mauna sila nanay. Medyo tanghali na ang pasok ko ngayon, saka malapit lang naman ang pinapasukan ko, kaya hindi ko kailangang magmadali. Tutulungan ko po muna kayong magligpit bago ako pumasok.” Sagot naman ni Myrna sa ina.

            Siyanga naman Cora. Bayaan mo nang tulungan ka ng anak mo, para naman hindi ka gaanong mahirapan. Kay-aga-aga mong gumising. Kanina ka pa trabaho ng trabaho. Kailangang alagaan mo rin ang sarili mo. Mahirap na yong magkasakit ka rin.” Pakli naman ni Mang Karding.

            Siya, siya, kayo na nga ang bahala. Kung ano ang inaakala ninyong mabuting gawin ay siya nating gawin, saka medyo napapagod na nga ako. Mahirap talaga ang tumatanda.” Patianod naman ni Aling Cora.

            “Naku naman si nanay. Tumatanda bang ano ang sinasabi ninyo. Ang bata-bata nyong tingnan. Wala pa kayong kulubot sa mukha. Kung titingnan kayo ay parang wala pa kayong singkuwenta anyos.” Biro ng magkapatid sa kanilang ina

            “Ku! Lokohin nga ninyo ang lelang ninyong panot. Kung bakit ako lagi ang nakakatuwaan ninyong biruin. Hala tama na muna ang biruan at nang hindi kayo tanghaliin. Mahirap na.” nangingiti namang tugon ni Aling Cora.

            Nang maka-alis na ang kanyang mag-aama ay hinarap na ni Aling Cora ang kanyang mga gawaing bahay, ngunit hindi siya magkantu-tuto sa kanyang ginagawa. Parati niyang naiisip si Mang Karding. Awang-awa siya sa asawa na alam niyang lubha nang nahihirapan sa pag-ihi.

            Dati-rati ay siya ang sumasama sa asawa kapag nagtutungo ito sa doktor, ngunit ngayon ay si Betty ang kasama nito. Hirap na kasing magmaneho si Mang Karding at hindi naman siya marunong magmaneho. Sa kanilang pamilya si Betty at si Mang Karding lang ang marunong magmaneho. Dahil nga malapit lang sa kanila ang trabaho ni Myrna, sumasakay lang ito sa bus pagpasok at pauwi. Pag panahon ng Tagsibol at Taglagas ay nagbibisikleta lang ito. Mga dahilan upang hindi gaanong magsikap si Myrna na matutong magmaneho.

            Malapit nang matapos ni Aling Cora ang kanyang mga labahin ng tumunog ang kanilang telepono. Si Mang Karding agad ang pumasok sa kanyang isip. Nagmamadali at medyo kinakabahang sinagot niya ang telepono.

            “Hello”, hindi magkantu-tuto niyang sagot.

            “Hello” nanay, mamaya na po sigurong hapon kami makaka-uwi.” Wika ni Betty.

            “Mamayang hapon?” Napalakas ang boses na sagot ni Aling Cora. Bakit? Ano ang nangyari sa inyo?

            “Huwag kayong mabahala nanay. Walang masamang nangyayari sa amin ni tatay.”

             “Ganoon pala ay bakit hapon na kayo uuwi. Ang tagal naman yatang appt. niyan?”

Kinakabahan pa ring tanong ni Aling Cora sa anak.

            “Kasi nanay, ipinayo ng espesyalista na magdayalisis na si tatay. Hindi na raw makukuha sa gamot ang kanyang sakit, at komo nga nandito siya sa pagamutan ay puwede nang umpisahan  Tatlong beses sa isang linggo ang kanyang dayalisis. Tatlong oras bawat sesyon.”

            “Gayon ba. “ Mahinang sagot ni Aling Cora sa anak. Biglang nakaramdam siya nang panghihina.

            “Ganoon nga po nanay. Siya sige po at dadalhin na sa kuwarto ang tatay. Sasamahan ko po siya roon.”

            Matapos ibaba ang telepono ay medyo nangangalog ang mga tuhod na naupo si Aling Cora. Hindi niya napigilan ang mga luhang unti-unting naglandas sa kanyang mga pisngi. Alam kasi niyang ang dayalisis ay pansamantalang gamot lamang. Pansamantalang nagbibigay ng ginhawa sa maysakit. Pagkaraan ay uulit na naman.

            Matagal-tagal ding nanatili sa ganoong ayos si Aling Cora. Nang mahimasmasan ng konti ay mabagal ang mga hakbang na nagtungo siya sa kanilang kuwarto, humarap sa altar at taimtim na nagdasal. Kinausap niya ang Panginoon sa pamamagitan ng panalangin. Kaytagal niyang nanalangin. Kung hindi pa niya naalaalang wala pang lutong pagkain at baka sa darating na si Myrna ay hindi pa siya tatayo sa kanyang pagdarasal.

            Lampas ng ala-dos nang dumating ang kanyang mag-ama. Nauna ng kumain si Myrna dahil babalik pa ito sa trabaho. Si aling Cora naman ay nagpasiyang hintayin na ang kanyang mag-ama. Parang walang sakit sa kidney si Mang Carding. Napakaganda ng kanyang pakiramdam. Maganang-magana silang nagsikain ng tanghalian. Masaya ang kanilang biruan, at nagkakatuwaan pa sila habang nagsisikain.

            Mula noon ay si Aling Cora na ang sumasama kay Mang Karding pag nagtutungo ito sa hospital, subalit pagkaraan ng dalawang linggo ay kinausap sila ng masinsinan ng kanilang doktor.

            “Mang Karding, Aling Cora. Kakailanganing magdayalisis si Mang Karding tuwing ikalawang araw, at sa halip na tatlong oras ay apat na oras. Higit ding makabubuti para sa kanya kung sasailalim siya sa isang “Kidney Transplant” para tuluyan siyang gumaling.”

            Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang mag-asawa. Bigla silang nakaramdam ng matinding sakit ng ulo. “Kidney Transplant” Saan sila kukuha ng kidney. Alam nilang napakahaba ng listahan ng mga nagsisipaghintay. Saang panig ng mundo sila makahahanap ng donor ng kidney.”

            Halos hindi na gaanong napakinggan ng mag-asawang Mang Karding at Aling Cora ang iba pang sinabi at ipinaliwanag ng kanilang manggagamot. Ang kanilang isip ay nakatuon sa “kidney transplant” Alam kasi nilang napakahirap humanap ng donor, at kung makakita man sila ay hindi rin siguradong magkakatugma ang ibibigay sa kailangan naman ni Mang Karding

 

                               Sundan ang karugtong sa  susunod na labas ng Balita