MILAGRO SA BANAL NA SIMBAHAN

By | December 17, 2009

KABANALAN. Mayroon pa ba niyan kaibigan?

Mayroon pa kaibigan. Ang kabanalan ay makikita sa banal na mga lugar, sa lugar ng mga himala at mga hiwaga sa bansang Israel.

Sa ikapitong araw ng kanilang pamamasyal ay ipinasiya nilang magpunta sa Bethlehem at sila’y hindi makapaniwala sa kanilang nasaksihan.

Nasindak sila nang malaman na ang Betlehem at Jerusalem ay hinahati na ng isang mataas, konkretong bakod at military checkpoint na bunga nang di magkaunawaang dalawang lahi.

Hindi kapani-paniwala ang kahinaan ng tao – na ang mga karupukang ito ay hindi akalaing magaganap at matatagpuan sa lugar na dakila, sa lugar ng kabanalan, sa lugar na dapat sana ay sagisag ng pagmamahalan. Ngunit ang tao ay tao at ang pagpapakita ng kalakasan o karupukan ay walang pinipiling lugar. Ang dahilan ba ng alitang ito, ng mga digmaang nagaganap at ang pagkamuhi sa isa’t isa ay sapagkat sila ay dalawang magkaibang lahi at dalawang lahi na may dalawang magkaibang relihiyon kahit na iisa naman ang kanilang sinasambang Diyos.

Ah, relihiyon. Ikaw ba ay paraan upang ang mga kaluluwa ay maging banal at ang daigdig ay magkaroon ng kapayapaan? O ikaw ba ay paraan upang sila na may angking kakayahan ay magtayo ng isa pang relihiyon upang sila na mahihina at mga bulag na tagasunod ay walang tanong tanong ay tila mga kawan ng tupang susunod. Sa bawat tanong ng puno ang kanilang sagot ay matunog na OPO at sa bawat hiling nito ay buong galak nilang ibibigay ang kanilang makakayanan. Ang lahat ay bilang ganti sa pangako ng puno na sila ay pupunta sa paraisong langit. Samantala ang bank account ng puno ay lumalaki at ang ipon ng mga tagasunod ay lumiliit. AH, RELIHIYON, KAYO NA PO ANG HUMATOL.

Mahigpit ang mga bantay, na kanilang inaasahan. Siniyasat na maigi ang kanilang mga passports. Itinapat ang isang pahina niyon sa isang pulang liwanag na magsasabi kung ang kanilang dokumento ay tunay o huwad. Inihambing ang larawan sa kanilang mga passports sa kanilang tunay na mukha.

Pagkuway walang alimlangan ang mga bantay sa katunayan ng kanilang pagkatao.

Pinayagan sila ng mga military guards na tumawid upang makita ang Betlehem – ang bayan na ang ibig sabihin sa wikang Hebrew ay “house of bread;” ang bayan, apat na libong taon na ang nakararaan ay inilibing ni Jacob ang kanyang batang asawa na si Rachel; ang tiranang bayan ni Naomi at ang kanyang mag-anak. Dito namulot ng mga labi ng pag-aani si Ruth at umibig sa kanyang kamag-anak na si Boaz. Dito ipinanganak ang kanilang apo sa tuhod na si David.

Una nilang pinuntahan ang Basilica of Nativity- ang pinakamatandang simbahan sa buong daigdig na hangga ngayon ay ginagamit pa. Sa lugar na ito, ayon sa kasaysayan ipinanganak si Hesukristo at dito rin inilibing si Rachel.

Ang unang simbahan dito ay ipinatayo ng Byzantine Emperor na si Constantine at ang kanyang ina na si Empress Helena upang mapangalagaan ang lugar ma pinanganakan ng Panginoon. Nakalagay, bilang tanda sa lugar na pinanganakan ng Panginoon ang isang groto na may silver star. Ang octagonal altar ng unang simbahang ay naroon pa.

Ngunit dahil sa alitan ng mga tao ang simbahang ito ay winasak noong Samaritan revolt of sixth century. Ang simbahan sa kasalukuyan ay ipinatayo ng mga Justinian noong 1530.

Buong ingat, buong paghanga at buong paggalang nilang siniyasat ang loob ng simbahan. Alam nila ang kabanalang ng simbahang ito. Hindi sila makapaniwala sa mga nakapinta sa mga column ng simbahan, isa na rito ay ang Birheng Maria, kalong ang sanggol na si Hesukristo.

Humanga din sila sa mga labi ng mga mosaic floor ng unang simbahan na buong ingat na pinangangalagaan ng mga tagapangalaga.

Lumipat sila sa Church of St. Catherine. Sa loob ng simbahang ito ay naroon ang Chapel of St. Joseph and Chapel of the Innocents. Sa simbahang ito ginaganap ang midnight mass sa araw ng Pasko, na dinarayo ng mga Kristiyano sa iba’t ibang bahagi ng mundo at ipinakikita sa television sa buong daigdig.

Lumipat sila sa Shephers Field, na ayon sa bibliya ay dito sinabi ng Angel sa mga pastol, na si Hesukristo ay ipinanganak na.

Umakyat sila sa Nerodium, ang fortress na ipinatayo ni King Herod at maaring dito rin siya nalibing.

ANG pinaka main event ng kanilang pamamasyal ay ang pagpunta sa isang bahagi ng old city of Jerusalem sapagkat sa lugar na ito makikita at masasaksihan ang mga pinakaluma at mga pinakamakasaysayang mga simbahan sa buong daigdig: Narito ang Church of Condemnatiom. Narito ang Church of the Redeemer. Narito ang Church of the Holy Sepulcher. Narito ang iba mang mga saksi ng kasaysayan ayon sa bibliya.

Ang lugar na ito ay banal sa mga Hudyo, Kristiyano at mga Moslem. Ito ang kapitolyo nina David at Solomon. Ito ang lugar ng First and Second Temples. Sa lugar na ito naganap ang pinakamalaki at pinakamahalagang bahagi ng Christianity.

Narito din ang Via Dolorosa, ang lugar na dinaanan ng Panginoong Hesukristo patungo sa kanyang kamatayan.

Pagkuwa’y naging bahagi sila sa mahabang pila ng mga gustong bumakas at dumama sa sakit at hirap na dinanas ng Panginoon sa labing-apat na stations bago siya ipinako sa kurus.

Maingat ang lahat sa pagbakas. Taimtim sila sa pakikinig sa tour guide sa pagsasalaysay nito sa mga naganap. Kinilabutan ang iba at ang iba ay umiyak sa pakikinig, mandi’y tila tunay ang nagaganap at tunay ang sakit at hirap na kanilang nadarama, kahit na ang paggunita ay ginanap sa ibang paraan at sa ibang panahon. Sa kabanalan ng lugar, ang magnanakaw man ay nagiging banal, kahit na panandalian man lamang.

Sa bawat station ay palit-palitan ang mga tao sa pagbuhat ng kurus. Apat sila, lima, anim, pito…sampu…walang pirmihang bilang sapagkat ang mahalaga ay maging bahagi sila ng kasaysayan kahit na ito ay naganap sa ibang panahon.

Ang kanilang pagbuhat ng kurus ay nagwakas sa loob ng Church of the Holy Sepulcher – ang simbahang ipinatayo ni Emperor Constantine noong Byzantine Period at bahagi ng isang malawak na compound na binubuo ng isang rotunda na itinayo upang mapangalagaan at maging dalanginan ang lugar na pinagpakuan at pinaglibingan nang Panginoong  Hesukristo.

Sa loob ng simbahang ito naroon ang lugar na pinagpakuan ng Panginoon. Narito rin ang lugar na pinaglatagan ng kanyang katawan, upang pahiran ng langis matapos siyang ibaba sa kurus. Sa loob ng simbahang ay naroon ang isang kapilya, Ang Chapel of the Angel. Sa kapilyang ito naroon ang libingan ng Panginoon.

Nasa loob na sila ng simbahan. Nakatuon, nakatitig ang mga mata ni Carlo sa replikang kurus at katawan ng Panginoon sa pagkakapako – titig na puno ng pagsamba, titig nang pagbabalik loob, titig nang ganap na pagbabagong buhay.

Pagkuwa’y bumaling siya at lumakad patungo sa Stone of Unction (ang batong pinaglatagan ng katawan ng Panginoon). Lumuhod siya sa harap ng banal na bato. Nakayuko ang kanyang ulo sa pagkakaluhod. Taimtim ang kanyang panalangin. Pagkuwa’y kumilos ang kanyang kanang kamay at iyo’y nagwakas sa banal na bato. Kumilos ang kanyang mga daliri at ang mga ito’y nabasa nang makasaysayang pinaghalong myrh, aloe and aromatic oils. Muling kumilos ang kanyang kamay at ito’y gumawa ng simbolong kurus sa kanyang noo, dibdib at balikat.

Muli, tumayo si Carlo at lumakad sa Chapel of the Angel.(sa kapilyang ito naroon ang libingan ng Panginoon). Matandang-matanda na ang kapilyang ito. Mahigit ng isang libong taon ang idad. Kung hindi sa mga structural support na inilagay ng isang pangkat ng mga inhinyero, ay tila gusto nang gumuho ang mga batong dinding at tila gusto nang humiga ang marble na mga column. Sa loob ng kapilyang ito naroon ang libingan ng Panginoong Tagapagligtas.

Mahaba ang pila ng mga tao na gustong pumasok sa kapilya. Mabagal ang kilos ng pila ngunit tila sila ay hindi naiinip sa paghihintay, tila hindi nangangawit ang mga paa sa pagkakatayo at ang mga may karamdaman ay tila walang karamdaman. Maayos sila sa pagkakapila, tanda nang paggalang sa isang banal na lugar. Tahimik sila at kung mag-usap man ay mahina, paanas.

Nanggaling sila sa iba’t ibang bahagi ng daigdig – mga taong Kristiyano na mga taong naniniwala na si Hesukristo ay anak ng Diyos. Nahahalata na sila ay galing sa mayayamang mga bansa sa Europa at North America. Nasisinag iyon sa kanilang pananalita at pagkilos. Naaninag iyon sa kanilang mga mukha at mga kulay ng buhok.

Sa mga mahirap na bansang Kristiyano, ang pagpunta dito ay isang masarap ng panaginip lamang sapagkat sino ang makakaya ng halagang kailangan gayong para sa kanila.ito ay katumbas na ng isang munting yaman.

Pagkuwa’y nasa harap na sila ng kapilya. Sinabi sa kanila ng bantay na mayroon lamang silang tatlong minuto upang makita ang buong kalooban ng kapilya.

Pagkuwa’y nasa loob na sila ng kapilya. Lumuhod si Carlo sa libingang marble na pinaglibingan ng Panginoon. Sa libingang ito natagpuan ni Mary Magdalene na wala na ang katawan ng Panginoon ng kanyang bisitahin ang libingan sa unang araw ng Linggo pagkatapos ng pagkakapako.

Lumuhod si Carlo. Yumuko ang kanyang ulo. Nanalangin siya nang taimtim. Tumulo ang kanyang mga luha. Humingi siya ng kapatawaran sa mga kasalanang ginawa sa panahon ng kanyang kalikutan at kapilyuhan.

Nasa ganoong puwesto siya, nasa ganoong anyo nang may maramdaman siyang tila malamig na kamay na humipo sa kanyang balikat. Pumikit ang kanyang mga mata at sa kadiliman ay may tila sumagi sa kanyang isipan. Saglit siyang nag-isip at saglit ding tila may nagbulong sa kanya na may himalang nagaganap.

Itinaas niya ang kanyang ulo. Marahan ay ibinaling niya iyon patungo sa kaliwa. Walang tao. Muling gumalaw ang kanyang ulo at marahan niya iyong ibinaling patungo sa kanan. Muli, walang tao.

Pagkuwa’y gumaan at gumanda ang kanyang pakiramdam na para bang siya ay tila sanggol na walang karamdaman.

Hindi niya sinabi iyon kaninuman.

TATAPUSIN