Balita

Huntahan sa Umpukan

Kabayan, kumusta?

Bago ka magpadala ng anupaman, ibig kitang pasalamatan sa iyong walang sawang paninindigan, pagtataguyod at pagpapalawig sa sariling atin — ang wikang Filipino, mga pinagpipitaganang kaugalian, pinagyayamang kultura’t dinadakilang tradisyon, at pinagmamalaking pamayanan ng pinagmulatang ngiti’t kagandahang asal. 

Ika-12 ng Hunyo, ika-124 na anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas. Sa saliw ng Lupang Hinirang, masigla’t malayang sumayaw sa hangin ang gintong araw, tatlong bituin at butihing asul at pula sa mga tagdan ng bandila sa lungsod ng Toronto, sa iba’t-ibang pook ng Ontario at Canada na pinamumugaran ng may lahing Pilipino.

Hudyat ito ng malawakang pagkilala sa kultura ng Lupang Silanganan. Ito rin ang simula ng pagbibigay pugay ng bansang Canada sa makabuluhang ambag ng mga komunidad ng Pilipino na masaya at mapayapang namumuhay sa Hilagang Amerika.

Kaya naman hindi kaila na mula Hunyo hanggang Agosto, isa lang ang paanyaya: Taralets sa mga mala-kabuteng Filipino festivals na muling umusbong at nakakita ng sinag ni Haring Araw sa buong Canada. 

May kaunti mang pangamba, susubukan pa rin nating iwaksi sa ating diwa ang medyo malagim na pamumugad ng sakit Covid-19 sa ating paligid mahigit dalawang taon na ang lumipas.

Pangamba ay pansamantalang ibasura; pigilang mag-alala. Tag-init na! Ito ang panahon na dapat pahalagahan ang natatanging biyayang bigay sa atin ng Maykapal – ang ating pagiging kayumanggi. (Pasintabi: Kinaiingitan at pilit ginagaya ito ng mga putlain.) Whatever, hindi ka naming pipigilan kung feeling pustiso ka. 

Lumabas at langhapin ang kaaya-aya’t preskong hangin. Lundagin ang tubig sa pinakamalapit na lawa o batya.   Bukod sa lahat, halina’t pasyalan, silipin at masilaw sa makulay at masaganang handog-pasasalamat ng Pilipino.

Isanglibo’t isang pagpupugay at pasasalamat sa lahat ng nagtayo ng mga Filipino festivals, sa mga nagpalaganap at tumangkilik sa mga festivals na ito, at sa lahat ng dumalo’t naki-isa sa mga pagdiriwang. Mabuhaykayong lahat, Kabayan.

Bagamat nairaos na ang Filipino festivals sa Scarborough, sa Vaughan, sa Mississauga, sa Bathurst at Wilson at iba pa, mayroon pa ring idaraos nitong Agosto sa Hamilton, sa Montreal, muli sa Bathurst at Wilson at here, there and everywhere.

At anong saya nito dahil magkakahalubilo at magkakasama-sama na naman ang mga kabayang matatas sa pagsasalita ng kani-kanilang nakagawiang wika, pambansa (Filipino) man o pampook (Ibanag, Ilocano, Pangasinense, Capampangan, Tagalog, Bicolano, Cebuano, Hiligaynon, Waray, Maguindanao, Chavacano, Maranao, Manobo, Bagobo, Tiruray, Bilaan, Tausug at napakarami – as in about 170 — pang iba).

Oo nga pala, tamang-tama ang mga kitakits sa festival. Ito na ang natatanging pagkakataon na ang lahat ay maaaring magumpukan at magkaugnayan sa usapang sila’y nagkakaintindihan.

Naman, naman! Ang Agosto ay Buwan ng Wikang Filipino.

Kwidaw! Mayroon pa ring nais gumaya-gaya putomaya kina Isprakenhayts, Mr. Shooli at Kabise.

*****

Kabayan, handog ko sa iyo ang lathalaing “Iba’t-Ibang Dila, Iisang Diwa” na binigyang daan ni Balita Publisher Tess Cusipag ilang taon na ang nakakaraan, bilang pakiki-isa sa pagdiriwang ng buwan ng wika:

“Is this the town of San Isidro?” tanong ng misyonaryong Amerikano sa mga kalalakihang nag-uusap sa harap ng maliit at kaisa-isang sari-sari store sa puso ng bayan. 

“Wen,” sabi ng Ilokano. “Wai,” tugon ng Magindanaw. “Haw,” ingon ng Ilonggo. “Ho?” sambit ng Tagalog. 

Umalis na iiling-iling, wari’y kausap ng Kano ang sarili: “Seriously? When, why, how, who?”

Madalas mangyari ang ganito sa mga “melting pots,” lalo na sa Cotabato, sa Timog Pilipinas.

How this phenomenon of social and cultural diversity and how the rich mix of languages and dialects in Mindanao may have evolved into a Philippine national tongue called Filipino is another story with history.

Kung medyo nalito ang foreigner sa iisang sagot na “yes” ng apat na kausap na may kanya-kanyang ganap na wika, paano pa kaya ang 130 million plus na Pilipino na kailangang makibagay sa may 185 na uri ng pananalita na malayang binibigkas sa buong bansa?

In fairness, hindi pa kasali sa mga natibong huntahan ang Inglis, Espanyol, Intsik, Arabo, Hapon, Bumbay at marami pang banyagang usapin; ang halo-halong Engalog at Taglish, inimbentong usapin sa kalsada, la-wiz-wiz kawayan at jejemon, ang lenguwahe ng cellphone characters at acronyms, tahimik na senyales, body language … Pakidagdagan na lang po, Ma’am and Sir.

Nakaka-wingdang nga ang sosyalan ng mga kababayan na mula sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas, na binubuo ng 7,641 mga pulo, depende pa kung high tide o low tide.

Limang Kuwento. Ang Langgam At Ibon: Estrangherong napadpad sa Mindanao decades ago, natuto akong magpatalas ng dila dahil sa langgam. “Ang langgam naglupad-lupad,” awit ni katotong Ilonggo. Palinga-linga na parang tanga, naghanap kami ni kasamang Kapampangan ng anay. Wala! Itinuro ni Ilonggo ang ibon na masayang humuhuni sa dulo ng sanga ng punong langka. “Ah, langgam … ibon,” tugon ko. Paliwanag ni Kapampangan, “Ang ebun, itlog.” “Huh?” Salita pa more: Ang “ibon” sa Katagalugan ay “ayup” na sa Pampanga.

Magsaka Nang Butong: Not gonna happen. Ito ang nasa isip ko nang ituro ni kasimanwa ang kumpol ng buko sa taas ng puno ng niyog, sabay pasabi na “magsaka” daw kami. What? Mag-isa kang iakyat ang kalabaw sa puno at araruhin ito. On second thought, mukhang exciting dahil hindi maputik.

Nag-iisa Sa Pila: Kamot na lang ako ng ulo nang sabihan ako ng “pila” habang bumibili ng marang, durian, rambutan at mangosteen sa fruitstand. Ay, ambot! Ako na nga lang ang tao sa paligid, papipilahin pa. Sa kabilang banda, ‘di ba ito’y pagpapakita ng disiplina at kaayusan?

Censored Ba?: Nang ang aking bunso na ipinanganak at lumaki sa Mindanaw ay nag-aral sa isang grade school sa Cainta, Rizal sa Luzon, laging pinapatawag ng principal ang kanyang lola. Sa pag-uwi, lagi din siyang may paalala patungkol sa Good Manners and Right Conduct mula kay Mommy. Ang dahilan, madalas daw niyang sinasabi sa mga guro ng Science at Math: ”Ma’am, makalibog ka man.” Shocking ba? Ipagtanong mo na lang sa taga-Visayas kung ano ang context ng tinuran ni shoti.

Anyare?: Aray! Agay! Ayayay! Ala, e! Harinawa’y maiwasan rin ang ganire. Buhat-buhat nina Tagalog at Cebuano ang bawa’t dulo ng isang mahaba at mabigat na tabla. Tagalog: “Bay, kayang-kaya ba?” Cebuano: “Bitaw.” Nars sa ospital: “Anyare?”

Minsa’y may patotoo rin ang mga katagang “Umiiwas maging pritong tinik ang isdang tahimik.”

Subalit sa simula lang ang ligalig na dulot ng iba’t-ibang pananalita ng mga Pinoy.

Bago sa pandinig, dapat matutunan at isadiwa. Matapos ang walang-sawang kantiyawan at tawanan, malao’y iiral din ang pagkaka-unawaan.

Anbilibabol! Kung inaakala na sa Pilipinas lang nangyayari ang mga eksenang nailahad sa itaas, halina at bumisita sa pangunahin at pinakamalaking lungsod sa Canada, sa Toronto, at sa mga karatig-pook nito sa lalawigan ng Ontario.

Makikita rito ang mahigit-kumulang na 200,000 mga kababayang patuloy na ipinagmamalaki at ipinagbubunyi ang kanilang pinagmulang Inang Bayang.

Baybayin natin ang kahabaan ng Bathurst St. sa loob ng No. 7 bus ng Toronto Transit Commission.

Araw-araw, mula umaga hanggang gabi, maraming kababayan ang sakay ng bus.

Curious ba o Marites? Minsa’y natanong ako ng isang katrabaho kung ano ang mahiwagang pinag-uusapan ng aking mga kalahi na halos sabay-sabay na nagsasalita, kausap ang katabi o ang isang cellphone, sa loob ng bus.

Sagot ko: “I wish I knew what they are talking about. I can’t catch up on some of the conversations. And if they only listen closely to one another, I’m sure they will be in a bind similar to mine.”

Reaction niya: “Unbelievable!”

Pero believe it or not. Kapag may diversity sa umpukan at masaya ang usapan, switch back ang lahat sa wikang naiintindihan – Inglis.

Ayon kay yumaong singer-novelty song composer-comedian Yoyoy Villame: “Nagkaintindihan din sila, mga kaibigan.”

Eniweys, mas unbelievable siguro kung bigla kang batiin sa Tagalog o sa Bisaya ng kakilala. Ganyan din ang gulat ng marami kapag sila’y nakihalubilo sa mga kababayang nagsisimba; kapag sila’y dumalo at nakisaya sa mga palabas at street festivals na nagpapahalaga sa kultura ng Pilipinas; at kapag sila’y nakisama sa mga pumapasyal sa Ex, Wonderland, Centre Island, mga garden, mall at outlet. 

Napapalingon ka pa rin ba sa isang simpleng “Pssst!”, pagkatapos ay manghang-mangha dahil ito ay galing sa nakangiting kaibigan o kapitbahay na alam mo na hindi katutubong Pilipino?

Carry natin ito, Kabayan. Tag-init o summer na namang muli, at hagip ang buwan ng Agosto. 

Ayaw ko mang aminin, pero medyo nag-iba ang takbo ng panahon at mga pangyayari ngayong 2020. Dahil sa banta ng COVID-19, maaantala ang inaasahang pagdagsa ng madla sa ilan sa mahigit 1,500 parks sa Toronto, lalo na sa favorite summer spot Earl Bales Park, kung saan may bantayog ang pambansang bayani Dr. Jose Rizal.

Nuong mabuti-buti pa ang panahon, sa park idinaraos ang pista ng kani-kanilang mga patron saints.

Sa park nila ipinagdiriwang ang pista ng kani-kanilang barangay, bayan, lungsod, munisipyo at lalawigan.

Sa park nila isinasagawa ang mga mga kita-kits o reunion ng pangkat o grupo.

Sa park nagtitipon-tipon ang mga Pilipinong may malalaking angkan sa Hilagang Amerika.

Busog sa marangyang handaang potluck, simula na ng umaatikabong huntahan.

Nakapanghihinayang at pansamantala nating hindi masasaksihan ang nakatutuwa at halos walang sawang huntahan ng mga kababayan sa kani-kanilang kinagisnan at kinasanayang wika at diyalekto.

Mas marami, mas masaya sana. Pero huwag malungkot, iwasang humikbi. Carry natin ito, kabayan.

Sa likod ng lahat, nakagagaan ng puso ang kaalaman na sa paglaki ng komunidad, sa pinagmulang Inang Bansa o sa Adoptive Homeland, ganoon din ang pagpapalawak at pagpapalawig ng wikang minahal. 

Iyan ang Pilipino, taglay ay iba’t-ibang dila, ngunit nasa bakod ng iisang diwa.

*****

O, sige, kabayan. Simulan mo nang magpadala ng mensahe mo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. matapos niyang ilahad sa kanyang State of the Nation Address ang gagawin ng kanyang pamahalaan para sa sambayanang Pilipinas. Sa ganang atin, please accept our wishes for good luck and all the best. Harinawa’y ang SONA ay hind imaging SANA.

Kabayan, magpadala kaya tayo ng well-wishing card at prayer of appreciation kay Pontiff Francis. Historically emotional and ginawa niyang pagharap, pagsaad ng public apology at paghingi ng tawad sa mga kasapi ng First Nations at indigenous groups. Harinawa’y malunasan na ang sakit na naidulot ng usaping residential schools.

Ipadala mo na rin ang nabinbin mong balikbayan box na naghintay ng napakatagal na panahon sa iyong sala dahil sa takot mong hindi ito ma-deliver on time. Ewan, may port congestion issues daw dahil sa pandemic, kaya may mga padalang house-to-house boxes na inabot ng siyam-siyam bago nakarating sa paroroonan.

Huwag ka nang lumingon, mare.

*****

As always, keep healthy and be safe. Humabol sa mga natitira pang Filipino festivals. Enjoy. #####

Exit mobile version