Si Fr. David Marino ay talagang napaka suwerting tao. Ang buong sambayanan ay sumusuporta sa kanyang mga proyekto, katulad ng pag-papatayo ng simbahan.
Noong unang siya ay madestino sa lugar na iyon, ang dinatnan lamang niya ay isang maliit na simbahan na kung hindi nalagyan ng altar at mga larawan ng santo ay masasabing isang bodega ng palay. Dahil sa kanyang mahusay na mga paraan at pagsisikap at malaking tulong ng mga mamayan nasasakupan ng kanyang parokya ay nayari ang bagong simbahan sa lalong madaling panahon.
Batid ni Fr. David na maraming simbahan ang matagal ng inumpisahan ngunit hangang natapos ang kanyang inauguration ay hindi pa natatapos, dahil sa kakulagan ng pundo.
Si Fr. David ay walang reklamo kung ang pag-uusapan ay tungkol sa kalusugan dahil sa edad niyang malapit na sa singkuwenta lagi siyang nakikita tuwing umaga bago siya magmisa naglalakad sa paligid ng simbahan kasama ang kanyang aso, hindi siya naninigarilyo, umiinom ng alak dahil kailangan sa kanyang pagmi-misa. Larawan siya ng taong kontento sa buhay na wala nang nanaisin pa.
“Bakit kaya si Father Marino ay masiyadong matulungin sa mga mahihirap?, lalong-lalo sa mga iskwater diyan sa malapit sa kanyang simbahan?” ang tanong ni Aling Lucia kay Miling na nagtitinda ng kandila sa simbahan.
“Di ba lahat ng pare ay dapat maging matulungin?’ ang sagot ni Miling.
“Napapansin ko dahil madalas ako sa kanyang kumbento, alam mo naman na nagra-rasyon ako ng gulay at karne kay Father, nakikita ko na ang mga katulong niya sa mga gawain sa kanyang kusina at naglilinis ng mga kasangkapan ay halos mga taga iskwater”, ang wika ni Aling Luca kay Miling.
“Aling Lucia, simula pa nang itayo ang bagong simbahan na iyan ay nagtitinda na ako ng kandila kaya karamihan sa mga nagsisitulong ay halos kapalagayang loob ko na. Karamihan sa kanila ay mga volunteer lamang at sila naman ay tinutulungan ni Father na ihanap ng trabaho kung mayroon siyang mabalitaan na may bakante, ngunit ang pinaka-kanang kamay niya ay si Mang Ambo, na bago pa siya madestino dito ay siya na ang namamahala sa dating simbahan noong ito’y hindi pa nagagawa” ang paliwanag ni Miling bago sila naghiwalay.
Hindi alam nang marami na si Fr. Marino ay buhat din sa pamilya na nakatira sa iskwater sa tabi ng Estero dela Rama sa Pretil, Tondo. Ang bahay nila ay isang kubo lamang at kung lumalaki ang tubig sa ilog lumulubog ang silong ng kanilang bahay. Ang kanyang ama na si Mang Delfin ay kargador lamang sa palengke ng Pritil at ang kanyang ina naman ay nagtitinda ng gulay. Ang kanilang kita ay halos sapat lamang sa kanilang pagkain. Si David ay mayroon isang kapatid na nag-aaral sa Rizal Elementary School na malapit sa kanilang tinitirhan, gayon din si David na matatapos na.
‘’David’’ hindi ka na siguro kapag-papatuloy sa high school dahil hindi natin kaya ang gastos”, ang malunkot na salita ni Mang Delfin sa anak.
‘’ Pero itay, naipasa ko naman ang entrance examination at ang matrikula ay hindi kamahalan” ang sagot ni David.
“Eh, ang gastos mo sa araw-araw, ang libro, pagkain at ang iba pang gastos na hindi mo maiiwasan” ang wika ng ama kay David.
“Naisip ko na iyan itay, magtra-trabaho din ako sa palengke sa umaga bago pumasok sa eskwela at pagdating ko sa hapon, lahat nang aking kikitain marahil ay makatutulong ng malaki sa aking pag-aaral” ang wika ni David.
“Kung hindi masiyadong mahihirapan ay ikaw ang bahala, basta sinabi ko lamang sa iyo ang ating katayuan sa buhay” ang patapos na wika ni Mang Delfin.
Ganyan nga ang nangyari, madaling araw pa lamang ay nagbubuhat na si David ng mga kaing-kain ng isda, gulay na galing sa Divisoria at Malabon, at sa hapon naman ay tumutulong siya sa paglilinis ng paninda at kung ano pa ang ipagawa sa kanya ng mga nagtitinda sa palengke.
Minsan ay naisip ni David na sumama sa isang bible studies namalapit sa kanila, nagustuhan ni David sa unang araw pa lamang kaya ipinagpatuloy niya ito hangang dumating na siya sa pagtatapos ng high school.
Isang araw, nilapitan siya ng kanilang Sprititual Master at tinanong kung maybalak siyang pumasok sa seminario.
“Opo kaya lang ay hindi po naming kaya ang gastos”, ang sagot ni David.
“Walang problema yoong, David, ang sinisiguro naming ay kung talagang bukas ang loob mo para pumasok sa seminario” ang wika ng Spiritual Master.
Dumating ang graduation sa high school at si David ay naging valedictorian at kasabay na ibinalita sa kanya na siya ay natangap na rin sa seminario.
Maraming taon ang nakalipas at si David ay nagtapos na rin sa seminario at siya ay ordain na pari. Pinadala siya sa ibang bansa para mag-aral pa at pagkalipas pa ng ilang taon ay bumalik na siya sa Maynila.
Pinadala siya sa Tondo sa isang munting simbahan at doon niya sinikap na makapag-patayo ng isang magandang simbahan.
Sa tuwing pagmamasdan niya ang kanyang simbahan at sabay niyang igagawi ang kayang paningin sa lugar ng mga iskwater ay na-aala-ala niya na si Father David Marino ay diyan nagmula.****