Balita

Ang Tagumpay ni Mang Sintong Bagyo

Sa mga lalaking naninirahan sa aming barrio ay si Mang Sinto lamang ang may taguring tunay na lalaki, ngunit kung siya ay nakatalikod at hindi niya naririnig ay Sintong Bagyo, ang bansag sa kanya. Si Mang Sinto ay hindi magsasakang katulad ng marami sa aming baryo, hindi rin karpintero, mangagawa o’ kahit anong trabaho na maaring kumita ng pera. Siya ay lumitaw at mawala dito sa aming baryo. Kung minsa ay mawawala siyang matagal at minsan ay biglang darating kaya walang nakaka-alam kung anong uri ang hanap buhay niya.

Nitong huling uwi niya hindi na siya umalis na ipinagtataka ng kanyang mga ka barrio. Hindi kasi nag-aalala si Mang Sinto sa kanyang kakainin dahil mayroon siyang dalawang anak na lalaki na may trabaho sa kabilang barrio at ang kanyang asawang si Aling Tinay na nagtitinda sa talipapa, kaya humiga’t gumising ay mayroon siyang kakainin.

Ang naging trabaho ni Mang Sinto mula nang dumating ay ang imbitahin ang kanyang sarili kung saan may handaan, katulad nang binyagan, kasalan, pasiyam o’anumang ocasion na may kainan at inuman.

Si Mang Sinto ay may sariling listahan sa kanyang memoria sa lahat ng kasayahan sa barrio. Pag dating nang umaga ay magbibihis at kung mayroong nagtanong kung saan siya patutungo ang isasagot niya’y imbitado siya sa kasalan ni ganoon o’ sa handaan ng sino man nasa isipan niya. Marami naman ang natutuwa kung nakikita siya sa mga handaan dahil marami siyang kwentong nakakatuwa na nagbibigay saya sa mga bisitang naruroon.

Ang buti naman kay Mang Sinto hindi siya maramdamin dahil kung minsan at napasobra ang inom at napansin niyang isa-isang nawawala ang nakikinig, nagpapaalam na lamang siya sa may bahay at uuwi na at matutulog.

Linggo nang umaga, maagang nagbihis si Mang Sinto at nang maisip niyang siya’y walang handaan naka lista sa kanyang isipan nagpupunta siya sa barberia ni Konsehal Pedro upang magpagupit.

Pagdating niya sa barberia nakita niyang marami mga lalaking nakaupo sa loob at labas. Mayroon naglalaro ng dama , nagkakatuwaan at may kumakain ng bibingkang luto ni Aling Felipa na asawa ni Konsehal. Nang siya’y dumating ay nagpalakpakan at binati siya na parang “VIP”. Si Pareng Badong na tsuper ng bus ay may balak tumakbong Konsehal sa darating na halalan ay nagpabili kaagad ng isang Damajuanang Lambanog. Hiniling nilang magkuwento si Mang Sinto at agad namang nagpaunlak.

Nagkwento siya na kung paano niyang tinalo sa karera ang kabayo ni Mang Matias na kutsero sa bayan at kung paano niya pinarusahan ang dalawang magnanakaw ng kalabaw at kung papano niyang pinalo ng buhay na ahas hangang lumuhod sa kanya and dalawa na hindi na uulit magnakaw, marami pang kwento na kung iisipin ay puro hindi tutuoo. Napansin ni Konsehal Pedro na lasing na lasing na si Mang Sinto kaya pinahatid na niya sa kanyang bahay hindi naman kalayuan.

Kinabukasan pagising ni Mang Sinto nagtugo sa batalan ng kanilang bahay at nadatnan niya ang kanyang asawang Aling Tinay na naghuhugas ng palayok. Pinagsabihan siya na kung hindi titigil sa pag-inom ng alak, hindi tatagal ay ihahatid siya ni Mang Juan na supulturero sa libingan. Pagalit na sumagot sa asawa at sinabi niyang kaya niyang uminom baka maiinip si Mang Juan sa paghihintay sa kanya. Para hindi na humaba pa ang usapan at mauwi pa sa away umalis at nagtungo sa palengke ang kawawang asawa.

Araw ng pista sa bayan at balak ni Mang Sinto na magpasyal sa bayan ng mapadaan siyang muli sa barberia ni Konsehal Pedro na laging maraming tao ngunit bihira ang nagpapa-gupit. Nakita niya si Damian ang siga sa bayan na duguan ang polo shirt. Tinanong ni Konsehal bakit duguan ang polo niya at ang tugon ay may paligsahan ng Aranis de Mano sa bayan at may malaki ang premyo. “Talagang magaling ang taga Maynila sa Aranis, apat na kaming pinadugo at naghahamon pa kung sino ang gusting tumalo sa kanya at dudoblihin pa ang premyo ng isang daang piso”.

Biglang umuwi si Mang Sinto ng marinig ang malaking premyo at kinuha ang kanyang bag na laman ay puro gamit sa Aranis de Mano na mayroon dalawang pirasong kamagong na mahaba ang isa at ang isa ay maikli ng kaunti. Nababakas sa pilat ng kahoy na nagpapatunay na marami nang sagupaan ang dinanas.

Dumating si Mang Sinto sa harap ng simbahan na maraming taong nanunood at nakita niyang may isa namang lalaking ang

binubuhat at duguan na isinakay sa kalesa para dalhin sa doktor. Nagsabi si Mang Sinto na lalaban siya sa taga Maynila. Nabigla ang mga naroon ng makita si Mang Sinto dahil tinagurian siyang “Sintong bagyo”, dahil sa mga imposibling kuwento. Pinayagan siyang makipaglaban sa taga Maynila, nang sa gayoon ay mayroong mapanood at mapagtawanan ang mga nanonood.

Pumagitna na ang dalawa sa intablado at nagkamay bago sinabi sa kanya nang referee na walang kaming sasagutin kung ano man ang mangyari. Ang taga Maynila ay matipuno ang katawan at bata pa kaysa kay Mang Sinto na bukod sa may edad at medyo malaki pa ang tiyan. Nagbigay “Go signal ang referee at pumuesto ang dalawa. Sa unang sagupaan ay tinamaan si Mang Sinto sa balikat na muntik ng nabuwal at sa pangalawang sagupaan ay pinilantik ni Mang Sinto at napuruhan niya sa batok at biglang nabuwal ang taga Maynila. Nang ibibigay na niya ang “Coupe de Grace” ang pinaka ultimatum sa laro ay pinigil siya ng referee at itinaas ang kamay tanda ng pagkapanalo. Ang taga Maynila ay binuhat ng kanyang mga kasama na walang malay at isinakay sa kotse at umalis.

Nang tangapin ni Mang Sinto ang premyo ay nagsigawan ang mga tao at doon nila nakilala na si Mang Sinto pala ay talagang tunay na lalake. Mayroon nakakilala sa kanya na taga ibang bayan at nagsabing ang tunay na hanapbuhay niya ay lumaban ng Arnis de Mano

Mula nuon ay iba ang naging tingin sa kanya nang buong barrio, at hindi na siya tinaguriang “ Sintong Bagyo.”

Exit mobile version