Balita

DAHIL SA ISANG LARAWAN

 Dalawang araw nang nakapagpapahinga sina Francis at Junichi. Medyo nakapag-adjust na ang kanilang katawan sa bagong time zone. Komportable na si Junichi sa bagong kapaligiran. Sa dahilang mahirap ipaliwanag ay parang hindi siya namamahay sa kanyang bagong tirahan na para bang siya ay bahagi nito, na parang ito ay kanyang tunay na tirahan gayong ngayon lamang siya napunta rito at nakikitira lamang. Sa buhay ng isang tao ay nagaganap ang isang munting himala, at iyon ay naganap ngayon sa kanya, sa kanyang paniniwala.

Hiniling ni Junichi na maglakad-lakad sila sapagkat siya ay nabighani sa ganda ng mga tanawin sa Isla de Oriente, dangan nga lamang, dahil sa kasakiman ng ilang tao, na mga puno pa naman, ang isang paraiso ay napinsala.

Kilalang kilala si Francis sa San Isidro lalong lalo na sa kanilang baryo sa dahilang siya ay nagmula sa isang mabuting pamilya. Masasabi ring isa siya sa mga matagumpay, na siyang totoo, sapagkat bukod sa siya ay nangibang bansa (na masasabing sa maraming bahagi ng Pilipinas, ang pangingibang bansa ay sagisag ng isang tagumpay) ay isa rin siyang  matagumpay na engineer sa Worlwide Electronics.

Hindi rin niya nakakalimutan ang bayang sinilangan at alam din niya ang mga pangangailangan ng San Isidro, lalong lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa karunungan.

Alam niya na kulang sa mga silid aralan sa San Isidro kaya taon-taon ay nagpapatayo siya ng isang silid aralan sa isang paaralan sa isang baryo sa San Isidro. Sa labindalawang taong pangingibang bansa ay nakapagpatayo na siya ng siyam na silid aralan (sa unang tatlong taon niya nang pangingibang bansa ay hindi siya nakapagpatayo sapagkat iyon ang panahon ng kanyang pag-aaral upang maging Professional Engineer sa Ontario). Sa halagang $5000.00, na isang buwan niyang suweldo ay daang mga bata ang mabibigyan niya ng pagkakataong matamo ang inaasam na karunungan.

Nagsisimula na silang maglakad sa bagong kaaspaltong kalsada sa kanilang baryo.

Pagkuwa’y nagsipag-unahan ang mga nakakakilala kay Francis sa pagbati sa kanya, “Francisco, kailan kayo dumating. Daan muna kayo,” bati ni  Serapio, na isa niyang kababata habang nasa harap ito ng kanilang bahay at tinatabas ang mga gumamelang bakod.

Nangiti si Junichi. Binulungan niya si Francis, “I thought your name is Francis, not Francisco.”

Natawa si Francis.

Muli, ipinakilala ni Francis si Junichi kay Serapio tulad ng pagpapakilala nito kay Miriam at Romeo ng sila ay salubungin ng mga ito sa paliparan.

“Saka na lang,” matagal pa naman kami rito.

“Ikaw ang bahala,” sagot ni Serapio. “Pero huwag mo kaming kalilimutan, kahit ba dampa lamang ang bahay namin.”

“Hinding hindi,’ sagot ni Francis na kanyang totohanin sapagkat nauunawaan niya ang katayuan ng mga mahihirap na taga San Isidro – ang pagiging maramdamin, na ang pagtanggi o hindi pagtupad sa isang pangako ay nangangahulugan ng sa kanilang paniniwala ay dala ng kanilang pagiging maralita.

Patuloy pa silang naglakad nang mapadaan sila sa isang pangkat ng mga nag-iinumang mga istambay.

“Ka Francis, tagay tayo rito.”

Nilapitan nina Francis ang pangkat. Gumala ang kanyang mga mata. Sinuri ang pitsel na kinalalagyan ng kanilang inumin. “Ano bang iniinom natin?”

“Tuba, Ka Francis.”

“Bakit tuba?”

“Mahirap ang buhay ngayon, Ka Francis. Hindi naming kaya ang bumili ng beer o stateside.

“Bukas,” sabi ni Francis. “Mga alas tres ng hapon ay pumunta kayo sa bahay at doon tayo iinom. May dala akong stateside. Kung dito, sorry na lang. Para sa akin ay hindi maganda kung dito tayo iinom. O sige, hanggang bukas.”

Tumalikod sina Francis at mabagal na nagpatuloy ng paglakad.

Napadaan sila sa bahay nina Mang Moises at Aling Julita, na hindi talagang tagaroon, na napadpad lamang roon, umano ay sa hirap ng buhay sa lalawigang tinakasan. Dahil sa sila ay may angking kabaitan ay madali silang nakagaliwan ng mga katutubong taga San Isidro.

Pagkuwa’y inanyayahan sila nang mapadaan sila sa harapan ng bahay nito.

Walang dahilan para tumanggi si Francis. Matagal na niyang kilala sina Mang Moises at Aling Julita.

Nasa loob na sila ng bahay, nakaupo sa isang pahabang bangko nang mapatuon ang mga mata ni Junichi sa isang nakakakuwadrong larawan ng isang magandang babae na nakasabit sa dinding na walang bintana sa kanang bahagi ng bahay.

“Who is she?” tanong ni Junichi.

“Her name is Erika. She is their daughter,” sagot ni Francis.

“She is pretty.”

“She is.”

“Where is she.”

Hindi sumagot si Francis sapagkat hindi niya alam ang sagot. Bumaling siya kay Aling Julita. “Nasaan daw ho si Erika?”

Hindi sumagot si Aling Julita. Lumungkot ang kanyang mukha. Namula ang mga mata nito, mandin ay may gustong tumulong mga luha.

Naulinigan ni Mang Moises ang tinutungo ng usapan. Tumalikod siya at nagtungo sa kaisa-isang silid ng bahay, mandi’y upang itago ang isang kalungkutan.

Napansin iyon ni Junichi. “Why? What did I do?”

“Nothing. I will tell you later.”

Humingi ng paumanhin si Francis kay Junichi, “Excuse us for a minute.”

Inaya ni Francis si Aling Julita sa kusina upang tanungin ang katayuan ni Erika. May hinala siya na may hindi magandang naganap o nagaganap kay Erika.

Tuluyan nang umiyak si Aling Julita nang tanungin siya ni Francis. Ipinagtapat ni Aling Julita kay Francis ang kasalukuyang nagaganap:

“Isang buwan nang hindi tumatawag o nagte-text sa kanila si Erika. Ngayon lang nangyari ito. Dati, kahit ano man ang ginagawa nito ay hindi niya nakakalimutang tumawag sa kanilang cell phone (isang karangyaang napilitan nilang pag-aralan nang dahil kay Erika).

Iba si Erika kung ihahambing sa ibang mga OFW na nagpunta sa Japan. Maliit lamang ito kung magpadala sa kanila. Umano ay suwelduhan siya at hindi umaasa sa mga tip at pors’yento sa ladies’ drink.

Sa lahat yata ng mga entertainer na taga San Isidro na nagpunta sa Japan ay sina Mang Moises at Aling Julita lamang ang hindi nagbabago ang pamumuhay. Iyon pa rin ang kanilang tirahan. Maliban sa isang 27” na coloured TV at ilang electronics appliances na naipundar ni Erika ay hindi naman nagbabago ang kanilang uri ng pamumuhay.

Umano ay gusto nang umuwi ni Erika, hindi nga lamang siya makauwi dahil sa may utang siya sa agency na nagpadala sa kanya doon.

Umano rin, sa sandaling mabayaran na ni Erika ang kanyang mga utang ay talagang uuwi na siya. Mas gugustuhin pa niyang magtayo ng isang maliit na tindahan sa San Isidro at magtinda na lamang kaysa magbalik pa sa Japan.”

Binanggit ni Francis ang napag-usapan nila ni Aling Julita kay Junichi.

Itinanong ni Junichi kung saan sa Japan naroon si Erika.

Sinabi iyon ni Aling Julita.

Hindi kumibo si Junichi, mandi’y mayroong nasasaisip na ayaw niyang sabihin.

Nagkumustahan pa sina Francis, Mang Moises at Aling Julita sa wikang Tagalog Nauunawaan ni Junichi ang dahilan sa pag-uusap nila sa wikang Tagalog – sa kakulangan nang sapat na kaalaman nina Mang Moises at Aling Julita sa wikang English.

“Binata ka pa ba, iho?” naitanong ni Mang Moises kay Francis.

“Binata pa ho.”

“Masyado ka yatang pihikan,” sabad ni Aling Julita.

“Hindi ho. Wala hong magkagusto.”

“Ang batang ire. Binola pa ‘ko. Sa mga katangian mong iyan, sino ang tatanggi sa iyo.”

“Marami ho.”

Pagkuwa’y bumaling si Aling Julita kay Junichi na nakatingin sa larawan ni Erika.

“Itong kasama mo, binata pa rin ba?”

“Binatang-binata pa ho.”

“Titig na titig doon sa larawan ng anak ko, mukhang kinikilatis.”

“Naghahanap ho iyan nang mapapangasawang Pilipina, pero napakapihikan. Bilib ho kasi siya sa mga babaeng Pilipina.”

“Madali siyang makakakita dito,” sabi ni Aling Julita.

“Hindi mo siya masisisi. Talagang ibang magmahal at mag-asikaso ng pamilya ang babaeng Pilipina,” sabi ni Mang Moises.

“Hindi na rin ho katulad nang dati. Marami na rin hong nabago. Nahawahan na ho tayo nang maraming ibang mga kultura,” sagot ni Francis.

“Ang sinasabi mo ay iyong mga makabagong babaeng lumaki sa lunsod. Pero, kung lumaki sa probins’ya katulad dito sa atin, karamihan ay ganoon pa rin. Kung may nabago man ay kaunti lamang.”

“Sana nga ho.”

Exit mobile version