NAKAKATUWA ang paglalakbay o pagbabalik sa isang paglalakbay nang maraming mga Pilipino. Sa isang aalis upang mangibang bansa ay dose-dosena ang maghahatid na tila ang aalis ay patutungo sa isang lugar o isang bansa na ang naghihintay sa kanya ay tagumpay at kasaganaan. Kung alam lamang nila ang katotohanan na sa kabila ng bakod, ang damo ay hindi parating luntian.
Sa isang babalik ay muli, dose-dosena ang sasalubong, mandi’y upang salubungin ang isang nagwaging bayani. Muli, kung alam lamang nila ang ganap na katotohanan.
Ngunit iba si Francis. Sa isang mahilig sa kasaysayan na nakapaglakbay na ay alam niya kung paano maglakbay ang ibang mga lahi.
Hiniling niya sa kanyang kapatid na si Miriam, na kung maari ay siya at ang asawa nitong si Romeo na lamang ang sumundo sa kanila. Hindi sa ayaw niyang pasundo pa sa iba, ngunit ang karagdagang tao ay nangangahulugan nang karagdagang bilang ng mga sasakyan sa mga lansangan at mga daan at mga highway na magiging dahilan sa pagsiskip nito at pagbibigay nang karagdagang lason sa kapaligiran at kalawakan. Isa pa ay malayo ang panggagalingan nina Miriam at Romeo, sa bayan ng San Isidro sa Isla de Oriente at ang karagdagang sundo sa kanila ay karagdagang gastos at malaking abala.
Alam ni Francis na kabilang siya sa minority ngunit kung hindi nila gagawing halimbawa ang kanilang mga sarili ay sino ang gagawa nito.
Lumabas sila sa masikip na daanan sa harap ng paliparan at sila’y halos patakbong sinalubong ng kapatid ni Francis na si Miriam na pitong taon na niyang hindi nakikita. “Kuya!” halos ay pasigaw na bati nito.
Maalab silang nagyakap. Pinahid ni Miriam ang tumulong mga luha na dulot ng kaligayahan sa kanilang muling pagkikita.
“May kasama ‘ko,” sabi ni Francis sabay tingin kay Junichi na tila humihingi ng paumanhin sa pagsasalita ng Tagalog gayong maari naman siyang magsalita ng English. Kay Francis, ang pagsasalita ng wika na hindi naiintindihan ng mga kasama sa usapan ay hindi magandang kaugalian.
Naintindihan ni Junichi ang tingin ni Francis. “Don’t worry, I understand. Go ahead.”
Pagkuwa’y ipinakilala ni Francis si Junichi kay Romeo, “Meet my good buddy who will be with me for the duration of my vacation.”
Nagkamay sila at yumukod nang kaunti si Junichi na isa sa mga kaugalian ng mga Hapon.
“Nice to meet you,” magalang na bati ni Junichi.
“Nice to meet you too,” magalang ding sagot ni Romeo.
Nagkalas ang kanilang mga kamay at si Junichi ay bumaling kay Miriam, “My name is Junichi, your brother’s friend.”
Iniabot in Junichi ang kanyang kamay kay Miriam. Iyo’y ginantihan ni Miriam sa pakikipagkamay sa dulo lamang ng mga daliri ng kanyang kanang kamay.
“How are you, mam?” bati ni Junichi kasabay nang muling kaunting pagyuko.
Tapos na ang pagpapakilala sa isa’t isa. Tapos na rin ang isang maikling kumustahan. “Let’s go before it gets too busy on the road,” kayag ni Francis.
Isinakay nila ang kanilang mga maleta sa naghihintay na minivan.
Naglalakbay na sila palabas ng lunsod at pauwi sa San Isidro, na bayan ni Francis, sa Isla de Oriente.
Minamasdan ni Junichi ang kanilang dinadaanan na may kasamang panggigilalas. Hindi siya makapaniwala kung bakit may guhit naman ang mga kalsada ay tila walang sumusunod; kung bakit tila walang tigil ang paggamit ng busina ng mga sasakyan – busina dito, busina doon, busina kabi-kabila mandi’y ang may mas malakas na busina ay higit na may mas karapatan sa daan; kung bakit lusot dito, lusot doon at singit dito at singit doon ang mga sasakyan. Sa isang pagsingit ni Romeo sa isang tractor trailer ay napapikit si Junichi sapagkat akala niya ay masasagi nila ang tractor trailer. Sa maraming mga bansa, ang ginagawa ni Romeo ay reckless driving, na nangangahulugan nang malaking multa at demerit points, ngunit ang nagaganap sa kasalukuyan, sa pakiwari niya ay pangkaraniwan lamang.
Nagkalat ang iba pang mga tanawin na ang iba ay maganda at ang iba ay di kagandahan. Nagkalat ang mga billboards at nangagsabit ang mga streamer ng pag-asa at panloloko. Hinahamon sila nito, binibigyan ng pag-asa.
Sinasabi ng isang streamer, “GAH NEED TRAVEL CONSULTANT”
Your ticket to USA
Sa ibaba ay nakasulat ang phone No. at fax No.
Sinasabi ng isa pang streamer, “WANTED: CAREGIVER TO CANADA”
Call: TIM A. WAH
Sa ibaba ay nakasulat ang phone No. at fax No.
Sa isang malaking billboard ay binabati, pinararangalan o binobola nito ang mga OFW. Sinasabi ng billboard, “OFW: MAKABAGONG BAYANI
MABUHAY KAYO
Sa ganoong uri ng pagmamaneho at tanawin ay nalagpasan na rin nila ang abalang bahagi ng lunsod.
Pagkuwa’y nasa bunganga na sila ng toll gate na magdadala sa kanila sa South Diversion Road. Pumila sila sa maikling pila ng mga sasakyan. Mabilis ang kilos ng pila. Binuksan ni Romeo ang bintana ng sasakyan sa kanyang tagiliran nang mapatapat sila sa attendant. Tinanggap ni Romeo ang ticket na iniabot sa kanya ng attendant.
Sumibad ang sasakyan.
Katanghalian at hindi abala ang highway. Banayad ang kanilang paglalakbay. Lumalayo sila sa lunsod at gumaganda ang mga tanawin. Nakikita ni Junichi ang ganda ng kapaligiran: ang luntiang mga bukirin; ang nababalutan ng mga punong Mount Makiling na sagisag kung papaano pangangalagaan ang mga bundok; ang tila lumalamig na simoy ng hangin.
“Very beautiful scenery,” pagkuwa’y bati ni Junichi.
“It was a lot more beautiful before they started cutting a lot of the trees in all those mountain ranges.” Itinuro ni Francis ang hugis nang malayong bundok na ang hugis at anyo ay tila ipininta ng isang pintor.
“But the mountains are green.”
“What you see are the small mountains only. Those mountain ranges that surround the island are the problem. There was a big deforestation.”
“Regardless, what I see is very impressive. This is a very beautiful place. No winter, green vegetation, all kinds of fruit trees that will keep people healthy.”
“But there is no job for everybody, that’s why people are leaving.”
“If I were a Filipino, I will make my money abroad and engage in business here.”
“A lot of people are doing that.”
“A, maybe I should marry a beautiful Filipina and live here,” tila pabirong sabi ni Junichi.
“Good idea, Go for it,” tila pabiro ring sagot ni Francis.
“Will you help me?”
“No problem, I will help you.”
Iyo’y isang paglalakbay na tumagal, humigit kumulang, ay mga tatlong oras. Nag-exit sila patungo sa bayan ng San Diego sa dulo ng Luzon. Ang naghihintay sa kanila ay isang ferry na magdadala sa kanila sa San Isidro, ang bayang sinilangan ni Francis at itinuturing pa rin niyang kanyang bayan.
Lumilinga si Junichi, mandi’y nahihiwagaan sa kanyang nakikita. Kanina lamang ay nakita niya ang isang maayos na paglalakbay ngunit ngayon ay sala-salabat ang mga jeepney at mga tricycle at mga motorsiklo.
Ang masikip na kalsada ay lalong sumikip sa tabi-tabing pagtatayo ng dalawa, tatlo, apat na mga poste ng kable nang makabagong communications: Iba ang poste ng kable ng koryente sa poste ng kable ng telepono. Iba ang poste ng kable ng telepono sa poste ng kable ng cable TV. Iba ang poste ng kable ng telepono na ari ng ABC sa poste ng kable ng telepono na ari na XYZ.
Ngunit humanga siya sa mga taong kanyang nadadaanan. Mabagal ang kanilang paglalakad, tila namamasyal sa liwanag ng buwan (ayon sa isa sa ating kinagisnang mga salawikain), mandi’y ang oras ay hindi nila hinahabol at sa oras, sila ay sagana. Nakangiti sila, tila walang kalungkutan. Naisip ni Junichi, ito marahil ang dahilan kung bakit ang mga Filipino ay mukhang bata kung ihahambing sa ibang mga lahi.
Nagwakas ang kanilang maikling paglalakbay sa bayang iyon sa isang malaking pier. Nakaangkla ang mga ferry na may iba’t ibang laki, taas at haba. Kani-kanya sila ng patutunguhang mga isla na malalaki at maliliit. Sa bansang kagaya ng Pilipinas na archipelago ng libo-libong mga isla, sa pangkaraniwang mga mamamayan, ang ferry ang pinakamatipid na paraan sa paglalakbay ng island to island.
Ngunit ito rin ang dahilan ng maraming mga sakuna na nagaganap sa nagngangalit na karagatan na nagdudulot ng dose-dosena o daan daang mga kamatayan – mga sakunang nagaganap sa hindi pagsunod sa mga patakaran ng Philippines Maritime Industry Authority.
Naroon na ang ferry na magdadala sa kanila sa Isla de Oriente. Nakaluwa ang rampa nito, mandi’y isang mahabang dila na nakapatong sa tila putol na tulay, na bahagi ng pier.
Mabagal na naglakbay ang minivan sa rampa ng ferry. Ipinakita ni Romeo ang bayad ng mga dokumento sa naghihintay na attendant bago nilamon ng ferry ang minivan.
Naghintay pa sila ng mga kalahating oras bago umangal ang makina ng ferry. Bumuga ng abuhing usok and chimney nito. Pagkuway kinalag ng mga crew ang pagkaka-angkla ng ferry. Dahan dahan itong umusad hanggang sa ito ay dahan dahan ngunit pabilis ng pabilis na umuusad hanggang sa mawala ito sa paningin ng mga taong nasa pier.
Naglalakbay na sila sa kalawakan ng China Sea. Lumilinga ang mga mata ni Junichi, tila inaaniwaw ang tila anino ng nakapaligid na mga isla.
Ipinasiya nina Miriam at Romeo na umidlip sa nalalabi pang oras ng kanilang paglalakbay. Sa pagod nang dahil sa haba ng paglalakbay ay nakatulog si Francis.