Ang Panga Ko

By | April 29, 2022

Iiling-iling si Aling Masing nang masulyapan niya sa telebisyon ang pandaigdigang balita na dumarami na naman ang bilang ng mga nagkakasakit sa Covid-19. Gayun din ang bilang ng mga nao-ospital at mga sinawing palad na humantong sa hukay. Sa paghakbang sa kusina upang harapin ang sinasaing at pinipritong galunggong, isang malutong na “Tsk, tsk, tsk.” ang kanyang naibulong.

Sa kalapit bahay, ininguso naman ni Lolo Tasyo ang radyo sa asawa. Kahalintulad na balita ang sumasahimpapawid. “Wala na bang katapusan yan?” ani Lola Adela. Habang sinusungkit ng mga daliri sa paa ang pambalot ng kendi na nakakalat sa sahig, humugot si Lolo Tasyo: “Ang nguso ko’y parang Kubid. Walang alinlangan at walang sawang dadapo at kakapit sa iyo.” Feeling romantic ang tinamaan ng lintik! “Tigilan mo nga ako, diyaske ka,” reply ni Lola, “kung kailan ka tumanda, saka ka kumarengkeng.”

‘Di kalayuan, nakatalungko sa bangko habang humihigop ng mainit na kapeng barako, nagte-text si Kuya Rudy. “Delikado daw ang panahon. Paano na ang caravan at rally?” Text back naman ang kasama sa banda. “Tuloy ang ligaya. Walang urungan. Tutugtog tayo nang hindi nakamaskara.” Sa likod ng mapaglarong diwa ni Kuya Rudy, kanyang naisip: “Tingnan mo nga naman ang mga kandidato at kapanalig. ‘Di bale nang magkandaletse-letse ang lahat, makapagkampanya lamang.”

Oo nga naman, Kalabog en Bosyo. Don’t worry about Covid-19; huwag pansinin. Mas mahalaga ang parating na pambansang eleksyon. Nakasalalay dito ang hinaharap ng Pilipinas. Nakaguhit dito ang mistulang hirap o ginhawa ng mga Pilipino. So, Mr. Kubid, curb side ka muna; at please, iwasan humirit at humarurot.

*****

Ang pagbigyan ang lahat ay hindi mangyayari; ang galitin ang lahat ay ubod ng dali. Alin kaya sa dalawa ang papanigan ng pulitikong naghahangad ng boto? Palagay ko, wala.

Pero peks man, cross my heart, politicians have a myriad of other reasons torun for office. Your guess is as good as mine, woodbine.

*****

Ilang tulog na lang, sa ika-9 ng Mayo (Lunes), muling boboto ang milyon-milyong Pilipino.

Sumambulat tuloy sa kanto ang pagkarami-raming paulit-ulit na election jokes. Heto ang tatlo.

May sampung taon nang balo si Aling Charing. Ngunit aaagahan niya ang pagtungo sa malapit na elementary school na itinalagang election precinct. Dito siya magka-cast ng ballot. Gusto rin niyang makita ang asawang yumao na bumoto daw nitong 2019 elections.

Nuong bata pa siya, matiyagang sinusubaybayan ni Mang Gusting ang Gabi Ng Lagim. Kaya ibig niyang makakita ng manananggal. Narinig niya kamakailan kay Marites na umaaligid din ang mga botanteng may pakpak sa mga voting centres. Ang hindi alam ni Mang Gusting, naglipana rin ang mga manananggal na hindi humihiwalay sa katawan; bagkus ay hinihiwalay, itinatakbo, itinatago at sinisira ang balidong balota.

Aktibo pa siya nuon sa boksing, pero rinig at ramdam na ang pangako, pangako at pangako pa ni Pambansang Kamao na tutulungan niyang mabiyayaan ng tulong at pabahay ang mga kababayang kapuspalad. Datapuwat, nang mahimasmasan at magising siya sa pampatulog na suntok ni JM, tinanong siya kung ano ang feelings at plano niya sa pulitika. Ang sagot ba naman: “Masakit … ang panga ko.” 

*****

Yehey! Mabuhay ang ating mga kababayan na nasa labas ng Pilipinas na nag-alay ng panahon upang aktibong makilahok sa pambansang halalan sa lupang sinilangan.

Sa pamamagitan ng mail-in ballots, naipakita at naitala nila ang kanilang pagpapahalaga sa demokrasya, naiparinig nila ang kanilang boses sa pagsulong ng kabutihan ng mas nakararami, at naiparamdam nila ang kanilang concern sa matuwid na pamamalakad ng gobyerno.

You’re the man, puto’t dinuguan,

*****

Napansin ni Ka Totoy na malimit tumayo sa harap ng salamin si Pareng Ompong these past few days. Pamisan-minsan, mangyari’y kinakausap din niya ang sarili.

Bago pa magkalamat at mabasag ang salamin, nag-usyoso na si Ka Totoy. 

“Bakit? Sapagkat what I see, hear and feel kapag kaharap ang sarili ay batayan kung sino at anong klase ng kandidato ang iboboto ko sa a-nueve de Mayo. Dapat kasukat at kaparis ko. Maaring mas sobra sa galing at husay, pero never na kulang-kulang,” Ompong explained.

Remark ni Ka Totoy: “Walandyo! Nasa image and likeness mode, ha.”

Siya, siya Zsa Zsa. Please expound, lost and found.

Patuloy ni Ompong: “(1) Ako ay nilalang Pilipino, hindi ako takot sa iisa at napakabuting Diyos. Bagkus, Siya ay igagalang at titingalain. Pasasalamatan Siya sa bawat umagang ginigising Niya ako. Pupurihin Siya sa bawat araw na pinagpapala Niya ako ng lakas at lusog, ligtas at payapang pamumuhay.

“(2) Lumaki ako sa pananaw na ang kamag-anakan, kaibigan at kapitbahay ay may kakayahang humarap at mangibabaw sa mga hamon sa buhay. Naniniwala din ako na mas gagaan ang pakikibaka kapag nagkapit-bisig ang lahat sa paglalakbay. Kumbaga sa barkada, sana all at walang iwanan.

“(3) Bukod-tangi kong iniingatan ang aking pag-iisip at pangangatawan. Iwas-pusoy muna sa mga troll, tuso at anumang ikasisira ng diwa at lakas. ‘Ika nga, mentally upright, morally straight ang physically fit at may ibayong sigla sa mind, body and soul.

“(4) Bukas at maaliwalas ang aking pananaw sa mga bagay-bagay na maaaring gawing gabay sa magandang pamumuhay. Walang sawa akong makikinig at tatangkilik sa makatuturan at makatuwirang paraan ng pagpa-unlad.

“(5) Marami akong natutunan sa paaralan. Sanlaksa rin ang kaalamang napulot sa kalsada’t kapaligiran; street smart, ‘ika nga. Napagtatanto at carry ko ang galaw ng paligid at kinalalagyan. Always alert at prepared, armas ko ay common sense at GMRC.

“(6) Patas ako kung lumaban. Madaling manlamang ng kapwa, nakakatakot maghanda sa resbak ng tadhana. Ang mali ay mali at hindi kailanman magiging tama, kaya maging patas at totoo sa sarili at kapwa. Sundin ang Golden Rule – Do to others what you want others do to you.

“(7) Ang pangako ko ay walang kalakip na pako. Kapag pangako’y natupad, ako ay masaya; datapwat, inaako ko rin ang kakulangan kapag pumalya. Iniiwasan ang turo-turo na sa karinderya’t palengke lang nangyayari; sa kasalanang ginawa ay aminadong mali.

“(8) Masipag sa trabaho, hindi ko tutulugan at ipapabukas ang trabahong kailangang matapos ngayon. Masinop din ako sa aking kinikita. Make do and do without ang aking motto pagdating sa kaban ng aking pera. Pinag-iisipan ko ng maraming bese kung babasagin ko ang piggy bank, dahil gastos din sa pagbili ng bago.

“(9) Asintado ako. Sa tumbang preso, ang tsinelas kong goma ang nagpapatalsik ng lata sa malayo. Sa buhay-buhay, right on spot ang tama ng tibok ng puso. Sapul din ang bulong ng konsensiya.

“(10) Peace, man, peace. Kahit malayo ang bakery, pinipilit ko pa ring bumili ng pacencia. Ang choice ko ay akin, ang choice mo ay iyo. Respect begets respect. Kung magkatugma tayo ng pananaw, okay. Kung hindi, let’s talk about it the next day. Isa lang ang alam ko, ang sakop ng mundo ay magka-ugnay at mahalaga.

Hirit ni Ka Totoy: “Iyan si Pareng Ompong, may-ari ng mga katangiang hinahangaan. Kaya lang, conceited talaga, parang nasusulat sa slum book.”

Ompong replied: “Ang pagboto ay hindi isang biro o laro na kapag natapos ay uwian na. Sagrado ang boses ng balota, dapat bigyan ng ultimong galang at halaga. Personal ang karapatang bumoto. Responsibilidad ng bawat isa ang isulong ito. Ang halalan ang unang hakbang sa paghulma ng maaaring kalagyan ng bansa’t mamamayan nito.”  

W8! Ideal siya. Bakit nga pala hindi nag-run for public office si Pareng Ompong?

Sagot niya matapos tumitig sa mirror: “Ano ako, bali?

*****

Quoting an activist: “Having elections does not mean a democracy is working. The greater good that comes after the vote is what matters.” Oo nga naman.

Recalling another cliché: “Ang anim na taon ay matagal para sa masamang pamunuan; ang anim na taon naman ay mabilis at kulang para sa mabuting pamunuan.”

Just a thought: Pitik bulag, sanlibo’t isa ang paraan upang patalsikin at hindi paabutin ng anim na taon sa panunungkulan ang mga masasama.

*****

In war reels, actors portraying generals and politicians order “Bombs away!”

In real political battles and elections, the voters should yell “Dumbs away!”

*****

Wala pa akong kandidatong nakilala na may claustrophobia. Hindi sila takot kay Santa Claus.

Mas lalong kakapit kay Santa Kulas ang mga botanteng tukmol na naghihintay ng pamasko.

However, marami nang government official na nagkaroon ng claustrophobia sa loob ng karsel.

So be it, naimpit na puwit.

*****

Pulitika nga naman, ang sarap pag-usapan.

Mayroon tayo niyan kaya magdiwang at magsaya, kaibigan.

Patuloy ang ikot at inog ng mundo.

Ang sikat at sinag ni Haring Araw ay sasalubong sa gising mo.

Kung umulan, maligo at nang ang pakiramdam ay presko.

Ang unos ay yakapin, ibig ni Inang Kalikasan na ikaw ay matuto. 

*****

Be yourself, be well, be safe. #####