Sa Akin, Sa Iyo, Sa Lahat

By | January 19, 2022

Ang pagbabasa ay isang matuwid na libangan at pampalipas lockdown (partial man o full).

Bukod dito, sari-saring pananaw ang maaaring lumantad, na makapagpapalapad at makapagtataas ng antas ng kaalaman sa mga bagay-bagay na may pangakong tulong sa pagharap sa buhay-buhay.

Kaya naman nang madaanan ko’t mabasa ang isang sanaysay na naitala ng isang kaibigan sa worldwide web, pinagpasyahan kong dapat lamang ipamahagi ang kasunod na Bukas na Liham.

*****

“Mahal kong kaibigan at kapatid:

Dalawang ulit na akong nagpabakuna. Malapit na rin akong turukan ng booster.

Oo na! Hindi sapat ang aking kaalaman kung ano ang nasa bawat bakunang tinanggap ko mula nang ako ay isinilang. Ang gumawa ng vaccine, saan ito nanggaling at ang mga usapan sa umpukan: maaaring lahat ng ito’y sumagi’t dumaan sa aking diwa, ngunit naglaho din na parang bula. 

Kahalintulad, hindi ko rin lubos na alam kung bakit mabisa ang ilang patak ng kerosene mula sa mapag-aruga’t mapagmahal na mga kamay ni Inay; at kung bakit may bisa rin ang uling, sulfanilamide at mercurochrome sa pagpapagaling ng galos at sugat. Ano ba ang meron sa mga gulay at prutas sa paglunas ng sakit sa katawan?

Hindi ko alam kung anu-ano ang sangkap ng mga homemade recipes sa mga turo-turo at karinderya na pinamumugaran ng mga jeepney at taxi driver, mga paminggalan, fastfood at restaurant na paborito ng marami. Teka, patunay ba na kung hindi kumirot ang tiyan ay malinis ang pagkaing nilunok? Tutuo ba na kung hindi ka magkakamay, talo ka sa boodle fight; kahit armado ka ng sandok? 

Ano nga ba ang nasa tinta kung magpapa-tatoo at ano ang halaga ng pagpapa-botox o plastic surgery? Paki-share naman ang sangkap ng sabong panligo o panlaba, body wash, shampoo o pabango at air freshener. Kaalaman ba ang bumili, gumamit at magtapon? Hindi ko alam, pero ramdam ko na ang panlabas na anyo ay walang panama sa ipinapakita ng kagandahang loob.

Maraming bagay ang hindi ko alam. Ngunit may tiwala ako sa mas nakauunawa ng dakilang kaalaman. 

Palagay ko naman ay aayon ka sa akin kung sasabihin kong maikli ang buhay. Magkatugma ang ating pananaw na ang kahabaan ng buhay ay kasing-ikli lamang ng pananatili natin sa daigdig; na ang pagpanaw ay napag-ukulan na natin ng preparasyon nang tayo ay nagkabuhay. 

Uulitin ko. Maraming beses na akong nabakunahan laban sa mga nakapipinsalang sakit tulad ng measles, mumps, rubella, polio, chickenpox, hepatitis, influenza, at tetanus. Sa mga panahong lumipas, nagtiwala tayo sa agham. Kaya wala o bihira tayong nakasagap ng balitang madla-madla ang naperwisyo ng mga naturang sakit.

Bakunado ako, hindi sa dahilan na ako’y maamong tupa o pasaway na toro. Hindi rin ako nagpabakuna upang ipamukha ang galing o kahinaan ng mga pulitiko’t pamahalaan sa pagharap at paglaban sa dagok ng pandemya. Lalong hindi ako nagpabakuna para maging huwaran at tularan ng iba.

Datapuwat, hindi ko hinangad na mahawaan ng Covid-19 o mamatay dahil sa Coronavirus. At kung ako ay magkakasakit, sana ay hindi malala nang maiwasan kong humiga sa kama na mas kailangan ng iba.   

Tulad mo, marami pa akong minarapat na gawin. Nais ko pang mayakap at maramdaman ang init ng pagmamahal ng aking kamaganakan at matalik na mga kaibigan. Nais kong mabuhay ng walang pangamba at walang takot. Nais kong muling maranasan ang mga payak ngunit masasayang panahon. Nais kong muling lasapin ang matiwasay na pamumuhay.

Lilinawin ko. Nagpabakuna ako at magsusuot ng face mask para sa akin, para sa iyo at para sa lahat.”

*****

Kaibigan at kabayan, maraming salamat sa patuloy mong paniniwala sa bisa ng maskara nitong pandemya; isang-libo’t isang saludo’t pagpupugay rin sa iyong angkop na pagpapabakuna.

Sinabunang kamay at katawang malinis sa pananaw mo’y nakagiginhawang tunay; datapuwat ay pagbibigyan ka namin na lumayo sa madla, dahil ayaw mo ng away at lamay.

Hinahangaan ka namin sa pagtigil mo sa tahanan kung walang mahalagang pupuntahan at sa panahong kalidad na inalay at ginugol mo sa iyong pamilya at kaibigan.

Ugali’t pag-iisip mo’y nakatuon sa masaya, matuwid at kasiya-siya; harinawa’y sumaiyo ang masaganang buhay na puno ng lakas, sigla at biyaya.

Mabuhay ka, kapatid, katoto at kabagang; taglay mo ang kinang ng pusong ginintuan.

*****

Masyadong seryoso, parang nasa ICU ng ospital. Kaya ngiti naman diyan!

Juan: Para saan ang jeepney?

Pedro: Eh ‘di sa tabi.

*****

Samantala, patuloy ang talastasan at pagtatalo kung ang katotohanan nga ay nakamamatay.

Yes or no man ang sagot, hindi ko pipigilan ang sinumang maghahanda ng kapeng barako at crunchy biscocho.

Ayayay! Makapagbasa nga muna at nang maging klaro sa akin kung bakit ang mga bandido’y nagmamaskara at kung bakit ilong-pataas ang panakip-mukha ni Batman.

*****

“Tao po!” Ito ang madalas na maririnig kasunod ng katok sa pintuan.

Ano naman kaya ang pagbating malugod kung ang kinakatok ay ang Gintong Tarangkahan ng Langit?

Pasensiya na po, hindi ko alam. Hindi pa ako nakararating duon upang i-meet and greet si San Pedro.

*****

Ano kaya? Ito ang tanong Brod Ed sa kanyang pahayag sa social media kamakailan lamang.

“Familial ties over yonder. Do families reunite in the afterlife? If they do, it is very comforting to know.

Three stories.

First: My late mother related to us that on the day our father died in 1998 in a hospital here in (General Santos City), he pulled out the dextrose needle from his arm, and declared he was going away as his eldest son, Eddie, who preceded him many years earlier, was beckoning him to come. Then he peacefully expired in his hospital bed.

Second: In August (of 2021), my 97-year old Mother passed away in Malungon (in South Cotabato). A few days before she died, she kept telling her caregiver that her mother, our Lola Conching, repeatedly came to fetch her. Then one afternoon, she just sighed, closed her eyes and went.

Third: Last night, a younger brother passed away in (General Santos City). He was recently hospitalized for a heart condition. His widow told us that a few hours before he passed, he told her he wanted to already rest. He asked for a comb as he wanted to fix his hair before joining our Mother (who passed last August) who has come to fetch him in a white car. A little later, he peacefully stopped breathing.”

*****

Sang-ayon ako sa pananaw ni Brod Ed. Marami-rami na rin ang katulad na pahayag at salaysay ang aking narinig. At naniniwala ako na ang mga pangyayaring ganito ay ang mapayapang pagtugon sa nakalulugod na tawag ng Poong Maykapal, panumbalik sa Kanyang Kaharian.

Marahil, kawangis din nito ang paulit-ulit na pagbanggit ni Mommy Isabel, ang aking ina, sa pangalan ni Lola Prescila na kanyang ina, mga kapatid at kay Daddy Chitong — na lahat ay Umuwi na.

Laging ako lamang ang kasama ni Mommy sa kanyang apartment; habang nasa trabaho ang kapatid kong si Sonny, na siyang kasama ni Mommy sa gabi.

Bagamat wala akong nararamdamang kakaiba, wari ko’y nasa paligid lamang sina Daddy, Tito Luis, Tita Baby at Lola Prescila tuwing tatawagin sila ni Mommy nang buong lambing. Minsa’y iniaabot ni Mommy ang kanyang mga kamay sa kawalan habang nakatitig sa pintuan ng apartment.

Nuong ika-12 ng Enero, 2020, sumama na si Mommy kay lola, daddy, sa aming mga tiyo at tiya.

*****

Tunay na kaiga-igayang isipin at paniwalaan na ang mga mahal natin sa buhay ay maligayang magkakasama sa kabilang buhay. Sila ay nasa mas mabuting pook, madalas nating sabihin.

Bagamat mas kagiliw-giliw sana kung sila’y kapiling pa rin natin, maging panatag na tayo sa mga alaala ng kasiyahan at pagmamahal na kanilang iniwan sa ating puso’t diwa.

May nag-iwan ng salita: “Wala naman talagang namamatay, kung matuwid ang pananaw sa pagpanaw.”

*****

As usual, ingat lagi. Bawal magkasakit. 

Magpahinga sa pagsapit ng dilim; at sa pag-gising, magpasalamat sa Diyos at harapin ang panibagong bukang-liwayway. #####

(PHOTO with CAPTION below)

PHOTO CAPTION:

Heavenly Homecoming Anniversaries. This January, the family celebrates the life, legacy and memory of Mommy, Grandma and Lola Lola Isabel Montojo De Guzman-Galicia (November 14, 1932 to January 6, 2020) and Daddy, Grandpa and Lolo Lolo Felicisimo Mina Galicia Sr, (October 26, 1932 to January 26, 1981).