Karapatang mag mana ang isang Dayuhan

By | June 1, 2010

Q. Magandang araw sa inyo Atty. Wong, sa tuwing pinapakuha ako ng dyaryo ng misis ko, sinisiguro kong kasama ang dyaryong BALITA kasi marami po akong natututunan sa section ninyo (Batas Pinoy Corner).

May hipag po ako sa GREECE, kulang sa tatlompung taon sya roon bago siya sumakabilang buhay tatlong taon na po ang nakakaraan, may naiwan po syang tatlong anak na 21, 19, 15 ang edad respectively at ang asawa nya na talagang Greek national, sya rin po ay Greek citizen rin.

Bago po namatay ang mga biyanan ko, ipinamahagi na po nila ang kanilang mga lupa sa kani-kanilang anak para daw maiwasan ang di pagkakaintindihan balang araw.

Ang tanong ko po paano po ang kabahagi ng hipag ko na halos tatlong hektarya na nasa Batangas, papaano po ang karapatan ng mga bata sa pag aari ng kanilang ina.

Nakarating na po sa Pilipinas ang mga bata pati po ang Greek na asawa nya noong mga maliliit pa ang mga bata. Sa ngayon po balak na pong mag asawa uli ang Griego.

Nagtatanong lang po para sa mga bata, regular ko pong bisita ang mga bata tuwing summer dito sa Toronto. Marami pong salamat. “RG.”

Ans: Ayon sa Batas natin, ang hipag mo ay may karapatan pa ring mag-mana sa kanyang mga magulang o kahit nino man, kahit na siya ay maituring natin na banyaga o isang Griego .

Dahil sa sumakabilang buhay na ang hipag mo ang tatlong hectariang lupa na nabahagi niya bilang mana galing sa kanyang mga magulang ay mapupunta sa tatlo niyang mga anak kahit na ang mga anak niya ay Greek Citizens din o mga Pilipino citizens. Alinsunod sa principyong legal na kung tawagin ay “ Right of Representation” . Ang hatian dito ay pantay-pantay silang tatlo. Ibig sabihin nito kung tatlong hectaria ang namana, eh tag-iisang hectaria bawat anak.

Ang gagawin ng mga bata, at sila ay nag-kakasundo sa hatian, at walang humahabol na claimants doon sa lupa o estate ng magulang, at silang lahat ay nasa legal na edad na, ay sa pamamagitan ng abogado sa Pilipinas , sila ay lumagda ng Extrajudicial Settlement of Estate. At pag-katapos na completo at maisayos ang mga kaakibat na mga pormalidad, at mabayaran ang Estate Tax at Transfer tax, ang nasabing manang lupa ay ma-aari ng malipat sa pangalan ng mga tatlong anak na nabanggit ito man ay titulado o nasa isang Tax Declaration Certificate lamang .

Sa ngayon dahil ang bunsong anak ay 15 years old pa lang, maaring hindi muna sila maka-pag execute ng Extrajudicial Settlement hanggang yung bunso at maging 18 years old na.

Subalit kung ang mga taga-pagmanang mga anak ay hindi maka-paghintay ng mga tatlong taoon pa, at gusto na nilang pag-papartihin ang lupang minana, maaring silang dumulog sa hukuman sa Pilipinas upang mag-hain ng petition for Judicial Settlement of Estate at kaakibat dito, at hilingin sa hukuman na mag-appoint ng isang legal guardian para doon sa minor na edad na kapatid(15 years old) upang sa pamamagitan ng nasabing “legal guardian” ay maisakatuparan ng partihan ng kanilang minanang lupa. Salamat sa pag-sulat mo.