Balita

PangAbuso ng Asawa

Q. Maraming salamat po sa inyong kolum sa Dyaryo at narito po ako upang hilingin ang iyong payo,tungkol po ito sa pananakot parati ng aking asawa sa akin.

Fourteen years po ang aming pagitan ng aming edad at halos limang taon na po akong nandito sa abroad.

Dating OFW din po siya at noong siya’y umuwi sa Pilipinas kami ay nag-kakilala at mula noon ay hindi na siya nag OFW.

Totoo nga pala ang kasabihang “ang pag-ibig ay isang bulag” at nagkaroon kami ng isang anak na lalaki. Pag-tuturo po ang aking trabaho sa atin.

Simula ng nagsama kami hindi man lang siya nagkusang mag-apply ng trabaho. Hindi rin siya matanggap ng pamilya ko ng dahil sa agwat ng aming edad at walang trabaho.

Umaasa lamang siya sa padala ng isa sa mga kapatid sa abroad. Minsan nagiging violente siya kapag nakaka-inom ng alak at nasusundan pa ito ng mga masasakit na salita laban sa akin.

Ayaw ko pong ipaalam sa pamilya ko ang ginagawa niya sa akin para na rin sa aming maliit pang anak.Hanggang sa nakapag-desisyon akong umalis papuntang Hong kong at mag-trabaho doon at ayaw ko pong parati na lang umaasa sa padala ng kapatid niya at minsan nagkukulang parin sa amin dahil sa maraming gastusin lalo na kapag may sakit ang aming anak.

Sinusustentuhan ko sila buwan-buwan hanggang nagkaroon ako ng swerte na makapunta dito sa Canada at magtrabaho bilang isang caregiver.

Habang nasa abroad ako patuloy pa rin siya sa bisyo nyang pag-iinom at halos hindi na niya makilala ang aking ama sa sobrang kalasingan at ang aming anak ay inaasa na lamang niya sa mga pamangkin niya.

Napaka-unfair po sa akin ang kanyang ginagawa.Sobrang napaka-alkoholic niya hanggang ngayon.Hindi rin ako nagkulang ng payo sa kanya at ginagawaan ko pa rin ng paraan para mapalapit ang pamilya ko sa kanya.

Pinadalhan ko ng pera ang tatay ko at ipinangalan ko sa kanya para siya ang mag-abot na kunwari siya ang nagbibigay pero hindi nito binigay ang pera sa tatay ko,dahil ang sabi niya,siya lang daw ang pamilya ko at hindi ang aking magulang.

Galit na galit ako sa ginagawa niya,dito ako nakapag-desisyon na hiwalayan na lamang siya. Hanggang ngayon wala pa rin siyang trabaho at para tumulong man lang sa akin.

Dito nag-simula ang pananakot niya sa akin na mag-papakamatay na lang daw siya at tatlong beses na niyang sinabi sa akin ito , at sa twing tatawag naman ako sa bahay ng aking magulang para alamin kong anong sitwasyon niya ay mabuti naman daw ito at nag-iinom pa rin.

Sustentado ko pa rin po siya at dahil nasa kanya nakatira ang anak ko. At para mapadali ang pagpunta ng anak ko dito sa Canada ay inisponsoran ko pa rin siya dahil na rin sa paki-usap ng kapatid nito .

At kung nandito na sila na Canada at dahil sa wala pa po kaming legal separation,natural sa akin siya titira pansamantala.Pwede ko po bang iseparate ng tirahan o apartmaent pagdating dito dahil hanggang ngayon may trauma pa rin ako sa kanyang pag-iinom at pananakit.

Pwede po bang mag-file ng divorce kaagad pagdating niya dito. Natatakot din po ako dahil sa pagiging alcoholic niya baka hindi siya pumasa sa medical at physical examination. Kung mag-ganoon ,paano po ang aking anak ?

Gusto ko pong kunin ang anak ko at dito na mag-aral dahil maganda ang programang edukasyon dito sa Canada at may child benefit pa,six years old na po siya ngayon at hindi pa kami nagkikita simula ng umalis ako.Hinihiling ko po ang inyong payo. Maraming Salamat po at Mabuhay po kayo! GH.

Ans. Napaka hirap ang iyong kalagayan lalo pat ikaw ay malayo sa iyong asawa at anak. Kung ikaw sana ay sa Pilipinas, maaring kang lumapit sa ating hukuman at kinauukulan upang pangalagaan ang iyong sarili at anak ayon at ating umiiral na batas. Ang ginagawang pananakit ng iyong asawa at pananakot ay labag at Republic Act 9262 –Violence Against Women and Their Children) .

Kaya lang, dahil sa ikaw ay wala sa Pilipinas, hindi mo lubasang magagamit ang angkop na batas na ito laban sa pang-aabuso ng iyong asawa.

Bukod pa sa nasabing batas, ikaw bilang isang Filipino ay maaring mag-hain ng a) Annulment of marriage o di kaya b) Legal Separation laban sa iyong asawa. At sa kadahilanan na lasinggo and walang trabaho ang iyong asawa, maaring hilingin mo sa hukuman na ikaw ang mag-karoon ng custody doon sa anak mo. Subalit ang lahat ng ito ay maari mo lang gawin kung nandito ka sa Pilipinas.

Kung ikaw ay hindi makaka-uwi dito sa Pilipinas upang totokan ang mga nasabing mga legal na hakbang , ang maari mo gawin kung ikaw ay isang landed immigrant na, ay ma isponsor mo iyong asawa at anak. At kung nasa Canada na sila ay madali mo ng makuha ang custody ng iyong anak,lalo pat kung mapatunayan mo na ang iyong asawa ay hindi responsabling ama at asawa . Sa iyong katayuan, at pag nandyan na ang iyong mag-anak sa Canada, maraming mga angkop na batas ng Canada ang makakapag-bigay ng protection para sa kapakanan mo at ng iyong anak.

At kung ikaw naman ay maging ganap na Canadian citizen na, maari kang mag hain ng Divorce laban sa iyong asawa at kasama na dito ang mapa-sa iyo ang custody ng iyong anak. Isang paalala. Huwag kang mag file ng Divorce kung ikaw ay hindi pa ganap na Canadian citizen. Ano mang Divorce na makuha mo, habang ikaw ay isang Filipino citizen, ito at walang saysay at ang iyong marriage sa Pilipinas ay mananatili pa rin ang bisa nito.

Naway naka tulong ang kolumn na ito sa iyo and kung ikaw ay may tanong pa, bukas ang Batas Pinoy corner sa tulad mong naaping kababayan. Salamat sa pag-sulat mo.

Exit mobile version